Nagbigay ng mensahe si Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro kay Vice President Sara Duterte na bawas-basawan na umano nito ang pagiging “Sara the explorer.”
Ayon sa naging panayam sa The Newsmaker ng NewsWatch Plus PH kay Castro noong Huwebes, Pebrero 19, 2026, sinabi niyang gawin na lang daw muna ni Duterte ang kaniyang trabaho kung talagang gusto niyang maglingkod sa bayan.
“Bawas-bawasan na siguro ‘yong mga pagbabiyahe kung talagang gustong maglingkod sa bayan,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Hindi dapat jet setter o world tour na parang Sara the explorer ang dating. Trabaho lang muna. Trabaho lang.”
Sa parehong panayam, tila binuweltahan din ni Castro ang Kamara at iba pang mga indibidwal na huwag daw pairalin ang politika dahil lamang sa naging pagdedeklara ni Duterte ng kaniyang presidential bid para sa susunod na eleksyon.
“Kung ang pinag-uusapan natin ay House of the Representatives, hindi ko alam kung ano ang nararamdaman nila,” saad niya.
Paliwanag pa niya, “Pero ang mga tao, ang mga miyembro, mababahag ba ang buntot nila dahil may tatakbong isang Sara Duterte sa pagka-presidente? Papaano na ‘yong interes ng bayan kung talagang may isyu ang bise presidente silang ipaiiral diyan.”
Ani Castro, dapat daw na pairalin muna ng Kongreso at mga mambabatas ang para sa kapakanan ng bansa, taumbayan, at kaban ng bayan.
“Huwag politika ang pairalin dito kundi kapakanan ng bansa, kapakanan ng taumbayan, kapakanan ng pondo ng bayan ito,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na direktang tugon, reaksyon, o pahayag si VP Sara kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, inanunsyong tatakbong Pangulo sa 2028!
KAUGNAY NA BALITA: Usec. Castro, kinudang ‘team itim power’ imbes na ‘girl power’ tambalang VP Sara–Sen. Imee
Mc Vincent Mirabuna/Balita