February 20, 2026

Home BALITA National

Usec. Castro sa umano’y ex-VP Leni vs VP Sara: 'Aksyon vs Bakasyon?'

Usec. Castro sa umano’y ex-VP Leni vs VP Sara: 'Aksyon vs Bakasyon?'
Photo courtesy: MB, RTVM/YT, via Balita


Nagbigay ng kaniyang sentimyento si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro hinggil sa maugong na posibleng tunggalian nina Naga City Mayor Leni Robredo at Vice President Sara Duterte sa 2028 elections.

Kaugnay ito sa ibinahaging opinyon ng political analyst na si Professor Antonio Contreras, kung saan sinabi niyang kung isasagawa ang eleksyon ngayon, posibleng matalo ni Robredo si VP Sara—kung siya ay ieendorso ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“So ang lumalabas sa opinyon ni Professor Antonio Contreras ay former VP Leni vs VP Sara. So ang lumalabas, aksyon vs bakasyon? Nagtatrabaho vs hindi nagtatrabaho? Pro-Philippines vs not-Pro any country?” saad ni Usec. Castro sa ginanap na press briefing ng PCO nitong Biyernes, Pebrero 20.

Giit niya, “Suhestiyon na igagalang, patawad, pero hindi napapanahon.”

Natanong din ang pananaw ng press officer ukol naman sa opinyon ni Contreras—kung saan sinabi nitong “panic mode” ang kampo ng mga Duterte kung kaya’t maagang nagpahayag ng presidential bid si VP Sara.

“Kung ganiyan po ang pananaw ng isang political analyst kagaya po ni Professor Antonio Contreras, ‘yan po ay igagalang natin na opinyon. Pero sa pananaw po ng Pangulo, katulad ng ating sinabi kanina, kung anuman ang dahilan ng bise presidente sa kaniyang pag-aanunsyo, it doesn’t matter,” anang press officer.

“It doesn’t matter at all sa ngayon, dahil hindi po ‘yan ang focus ng Pangulo. Ang focus ng Pangulo, magtrabaho hindi para mangampanya at i-promote lamang ang sarili para sa susunod na eleksyon,” pagtatapos niya.

Matatandaang nausisa ang “pink” na kasuotan ni Usec. Castro sa ginanap na press briefing ng PCO noong Huwebes, Pebrero 19—na siyang kulay ng kampanya ni ex-VP Leni noong tumatakbo ito sa pagkapangulo noong 2022.

“Ikaw naman, nagsuot lang ako ng pink, mayroon na agad malisya. Wala po! Ang kulay na sinuot ko ngayon ay wala pong kaugnayan sa anumang politika,” saad ni Usec. Castro.

MAKI-BALITA: 'Pink' na suot ni Usec. Castro, nausisa; may 'nililigawan' bang politiko?-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA