Tinalakan ni US President Donald Trump si dating Pangulong Barack Obama hinggil sa umano’y pagbunyag ng classified information matapos nitong sabihin kamakailan na totoo ang mga aliens.
“He took it out of classified information … He’s not supposed to be doing that,” pahayag ni Trump sa mga mamamahayag sakay ng Air Force One habang patungo sa Georgia.
“He made a big mistake,” ani Trump.
Matatandaang sa isang podcast interview nang ibahagi ni Obama ang pahayag niya tungkol sa mga aliens at sa kontrobersyal na Area 51.
“They’re real, but I haven’t seen them, and they’re not being kept in … Area 51. There’s no underground facility unless there’s this enormous conspiracy and they hid it from the president of the United States,” ani Obama.
Ang Area 51 ay isang classified Air Force facility sa Nevada na matagal nang pinaniniwalaan ng ilang conspiracy theorists na nagtatago ng mga katawan ng alien at bumagsak na sasakyang pangkalawakan.
Ayon sa mga dokumentong inilabas ng CIA noong 2013, isa itong testing site ng mga top-secret spy plane.
Wala ring indikasyon sa mga naging pahayag ng dating pangulo na nakabatay ito sa classified information.
Sa isang Instagram post noong Linggo, Pebrero 15, sinabi pa ni Obama, “I saw no evidence during my presidency that extraterrestrials have made contact with us. Really!”
Ipinaliwanag din niya na naniniwala siyang may posibilidad ng buhay sa labas ng mundo dahil napakalawak na universe, ngunit mababa umano ang tsansang nakarating ang mga ito sa Earth dahil sa napakalayong distansiya.
Nang tanungin naman si Trump kung may nakita siyang ebidensiya na umiiral ang mga alien, sinabi nito, “I don’t know if they’re real or not.”
Wala namang idinagdag ang White House sa naging pahayag ng pangulo, habang hindi agad tumugon ang tanggapan ni Obama sa hiling na komento.
Samantala, nagsagawa ang Pentagon nitong mga nakaraang taon ng imbestigasyon sa mga ulat hinggil sa unidentified flying objects. Ayon sa mga senior military leader noong 2022, wala silang nakitang ebidensiya na bumisita o nag-crash landing sa Earth ang mga alien.
Sa ulat ng Pentagon noong 2024, sinabi ring wala pang nakikitang extraterrestrial technology sa mga imbestigasyon ng pamahalaan ng Estados Unidos mula pa matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at karamihan sa mga naiulat na sightings ay napag-alamang mga ordinaryong bagay at natural na phenomena lamang.