May 22, 2026

Home BALITA Politics

'Paano kukumustahin?' Sen. Ping, may pasaring sa pagkakape, kainan, FB live ng majority bloc noong Senate shoot-out

'Paano kukumustahin?' Sen. Ping, may pasaring sa pagkakape, kainan, FB live ng majority bloc noong Senate shoot-out
Photo courtesy: MB File photo

Tila nagpahaging si Sen. Ping Lacson sa naging sentimyento ni Sen. Pia Cayetano hinggil sa nangyaring Senate shoot-outkung saan naiwan noon sa Senado ang bagong Senate majority bloc.

Sa isang privilege speech noong Miyerkules, Mayo 20, 2026, naging emosyonal si Cayetano habang ikinukuwento ang kaniyang karanasan matapos ang insidente. Ayon sa senadora, nasaktan siya dahil umano’y walang nangumusta sa kanila matapos ang pangyayari.

“Wala ni-isa sa inyong nangumusta sa ’min!” pahayag ni Cayetano.

Kasunod nito, nagbigay naman ng reaksiyon si Lacson at kinuwestiyon ang naging pahayag ng senadora. Sa kaniyang hiwalay na komento nitong Huwebes, Mayo 21, binanggit niya ang umano’y kilos ng ilang miyembro ng minority bloc matapos ang insidente.

“Paano mo ba naman kukumustahin ang mga masasayang nagkakainan, nagkakape, at naka-FB live pa para pagbintangan ang minority bloc na may alam daw sa putukan ng baril sa Senado?” ani Lacson.

Politics

Sen. Loren, niligwak na rin ng Kislap Diwa na pinangangasiwaan niya!

Samantala, nagkomento rin Sen. Erwin Tulfo sa naging pahayag ng senadora at iginiit na mayroon daw silang group chat kung saan nila ipinaabot ang pangungumusta noong kasagsagan ng tensyon at gulo sa Senado.

“‘Yong kaniyang emosyon po ay siguro po dala po ng takot, pero nung sinabi niya po na wala pong nangumusta, mayro'n po kaming ika nga, chat group po sa WhatsApp,” ayon kay Tulfo. 

Dagdag pa niya, kabilang sa mga nagpadala ng mensahe mula sa dating majority bloc sina Sen. Kiko Pangilinan, Sen. Bam Aquino, Sen. Risa Hontiveros, at Sen. Win Gatchalian. 

KAUGNAY NA BALITA: Hindi nabasa ni Sen. Pia? Sen. Erwin, iginiit na nangumusta sila sa 'gc' noong Senate shooting

Nauna nang naging usapin sa Senado ang insidente ng putukan at ang umano’y tensyon sa pagitan ng ilang senador kaugnay sa naging tugon matapos ang pangyayari.

Matatandaang nauwi sa palitan ng putok ng baril ang Office of the Sergeant-At-Arms (OSAA) at pinaniniwalaang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa akmang paghuli umano kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa noong Mayo 13.