Nagbahagi ng kaniyang komento ang miyembro ng Sexbomb na si Jopay Paguia-Zamora kaugnay sa mga naging viral na pahayag ng asawa ng dati nilang kasamahan na si Izzy Trazona, na si Alvin Aragon.
KAUGNAY NA BALITA: KILALANIN: Si Alvin Aragon na bina-bash dahil sa misis na si Izzy Trazona, pananaw sa homosexuality
Ayon sa naging panayam ng ABS-CBN News kay Jopay noong Huwebes, Pebrero 19, 2026, ikinuwento niyang hindi naman daw siya madalas magpadala ng mensahe sa mga kamiyembro niya sa Sexbomb.
“Actually, hindi kasi ako mahilig mag-message sa mga kagrupo. So [kapag] may problem, doon lang ako magme-message,” pagsisimula niya.
Dagdag niya, “Pero this time, wala pa. Hindi ko pa siya [Izzy] ni-message.”
Pag-amin ni Jopay, masakit daw para sa kaniya ang pagkalat sa social media ng mga naging pahayag ni Alvin dahil nadaramay na rin daw pati ang asawa niya at ng mga kamiyembro nila.
“Kasi masakit pa for me—kasi damay na ‘yong asawa namin. So, parang ‘teka lang naman,’” aniya.
Ani Jopay, okay na raw para sa kaniya kung magagawang humingi ng paumanhin ni Alvin sa publiko o magdala raw ito ng mensahe sa kanila.
“Siguro kung si Alvin is naisip niya, may pagkakamali siya, public apology [ay] okay naman o kaya i-message niya kami [na] ‘pasensya na, ganito, kasi masyado lang akong nai-eager na parang gusto ko makilala nila si Lord,’” saad niya.
“Don’t worry, Alvin, kilala nila si Lord,” pahabol pa niya.
Pagpapatuloy ni Jopay, mahal na mahal daw niya si Izzy at nirerespeto raw niya ang naging desisyon nito noon pang simula sa pag-alis sa kanilang grupo.
“Kay Izzy, wala naman akong masasabi, e, kasi alam niya na mahal na mahal ko siya. Nirerespeto ko kung ano ‘yong naging desisyon niya from the start. Wala akong masabi doon,” ‘ika niya.
Nagawa naman niyang magbigay ng mensahe para kay Alvin na handa raw nilang ipagdasal ito kung may pinagdadaanang problema.
“Alvin, kung may problema ka, pagpe-pray ka namin,” pagtatapos niya.
Samantala, hindi pa naman naglalabas ng tugon o reaksyon si Alvin kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: Sexbomb Izzy Trazona, hindi tanggap ang pagiging drag queen ng anak?
KAUGNAY NA BALITA: 'Ayoko na sana i-public!' Izzy Trazona, ibinalandra 'resibo' ng pag-uusap nila ng anak
Mc Vincent Mirabuna/Balita