Proud na ibinahagi ng social media personality at aktres na si Sassa Gurl ang natanggap niyang “Breakthrough Actress of the Year” kamakailan, na kauna-unahan niyang acting award.
Makikita sa Instagram post ni Sassa Gurl noong Huwebes, Pebrero 19, na iginawad sa kaniya ang nasabing award sa “Platinum Stallion National Media Award 2026” ng Trinity University of Asia (TUA) para sa kaniyang performance sa pelikulang “Bar Boys After School.”
“Oh diba, ganap na kong professional entertainer. Nakuha ko ang una kong acting award for Bar Boys After School, Breakthrough Actress of the year sa Platinum Stallion National Media Award 2026,” saad ng aktres sa caption niya.
Sa maiksi niyang pagbabalik-tanaw sa nauna niyang proyekta na “Balota,” hindi nakalimutan pasalamatan ni Sassa Gurl si Direk Kip Oebanda, na nagsilbi niyang gabay, hindi lang sa larangan ng pag-arte ngunit pati na rin sa buhay.
Pinasalamatan din ni Sassa Gurl ay sina Odette Khan at Direk Rodina Singh, na nagsilbi rin niyang life mentors.
“Mula sa set ng Balota hangang sa BBAS, hindi ako gagaling magiging mas mulat kung wala ang utak ng direk @kipoebanda . Hindi lang sa craft ng acting pati na rin sa buhay ay binago ako ng mga nakatrabaho ko. Ang mga salita ni Mommy Odette, ‘An actor should be brave,’ ay nabaon ko hangang sa mga susunod kong pag arte,” saad ng aktres.
“And of course hindi ko mahahanap ang boses ko sa industriyang ito kung wala ang mentor kong si Direk @iamrodafrog,” dagdag pa niya.
Ilan pa sa mga na-special mention ni Sassa Gurl sa kaniyang post ay ang co-actors at tinawag niyang “OG Bar Boys” na sina Jose Liwanag, Rocco Nacino, Kean Cipriano, at Enzo Pineda.
Gayundin ang mga kasabayan din daw niyang “new blood” sa pag-arte na sina Therese Malvar, Klarisse De Guzman, Bryce Eusebio, Benedix Ramos, Emilio Daez, Glaiza De Castro, at Will Ashley, na special mention din sa pagkapanalo niya bilang “Best Film Actor.”
Panghuli ay ang followers at fans niyang “NAKSHT” na hindi siya sinukuan at hindi niya iiwan.
Bukod sa pagbati ng followers sa social media, naki-celebrate din sa acting milestone ni Sassa Gurl ang ilang personalidad tulad nina Marian Rivera-Dantes, Nicko Falcis, at IC Mendoza.
Sean Antonio/BALITA