February 20, 2026

Home BALITA National

Palasyo sa umano’y FPRRD kidnapping: 'Purpose nito'y ibagsak ang imahe ng Pangulo!'

Palasyo sa umano’y FPRRD kidnapping: 'Purpose nito'y ibagsak ang imahe ng Pangulo!'
Photo courtesy: RTVM/YT


Tahasang inihayag ng Malacañang na ang patuloy na pahayag hinggil sa umano’y pagkidnap kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ay naglalayon umanong sirain ang imahe ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa isinagawang press briefing ng PCO nitong Biyernes, Pebrero 20, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na sila ay nagtataka sa mga naratibong ito.

“Tayo nga po’y lubhang nagtataka dahil patuloy nila itong ginagawang naratibo; at ang purpose lamang nito ay sirain at ibagsak ang imahe ng ating Pangulo,” saad ni Castro.

Giit niya, “Dahil mismo si dating Pangulong Duterte ang nagsabi na siya ay willing magpaaresto kapag nandiyan ang warrant of arrest.”

Ipinakita ni Castro sa media ang isang printed article kung saan nasasaad na tanggap ni FPRRD ang isang aprehensyon kung mag-iisyu man ng warrant of arrest ang ICC. 

Ayon sa nasabing salaysay, sinabi ito ni FPRRD nang siya ay nasa Hong Kong noong Marso 2025. 

“Alam niya na magkakaroon ng pagsisilbi ng warrant of arrest,” anang press officer.

“So, papaano nila masasabing may kidnapping kung mismo ang dating Pangulong Duterte ay handang magpaaresto kapag ang warrant of arrest ng ICC ay nandiyan na?” pagtatanong pa niya.

Matatandaang nanindigan ang Palasyo na legal o naaayon sa umiiral na batas ang pagkakaaresto kay FPRRD.

“Ang pagpapadala po sa dating Pangulong Duterte sa ICC, or sa The Hague, ay ayon po sa batas,” saad ni Castro sa press briefing ng PCO noong Huwebes, Pebrero 19.

MAKI-BALITA: Palasyo, nanindigang naaayon sa batas ang pag-aresto kay FPRRD-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA