Nagbigay ng komento si Presidential Adviser on Poverty Alleviation Sec. Larry Gadon para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa kinakaharap niyang kaso sa International Criminal Court (ICC) dahil tinanggap na rin umano niya noon na doon na siya mamamatay.
KAUGNAY NA BALITA: FPRRD, may huling habilin na; ipa-cremate siya sa Netherlands
Matatandaang kasing hindi tinanggap ng ICC Prosecution ang apela ni FPRRD na i-waive ang kaniyang karapatang dumalo sa nakatakda nilang pagdinig kaugnay sa confirmation of charges laban sa kaniya na magsisimula sa Lunes, Pebrero 23, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: ICC nanindigan: 'Mr. Duterte is fit'
Ayon naman sa naging panayam sa News & Views ng ONE News kay Gadon noong Pebrero 19, 2026, sinabi niyang naniniwala raw siya na natanggap na ng dating pangulo ang katotohanang doon na umano siya mababawian ng buhay dahil ito na rin ang nasabi nito noon.
“I believe that former President Rodrigo Roa Duterte has already accepted the fact na doon na siya mamamatay. Siya mismo ang nagsabi niyan, e,” pagisismula ni Gadon.
Pagpapatuloy pa niya, tila tiyak daw siyang matagal ang magiging pagdinig ng ICC sa kasong kinakaharap ni FPRRD at sinabi na rin daw mismo noon ng dating pangulo na “baka” doon na ito mamatay.
“Syempre matagal ‘yang hearing diyan. Sinabi niya na ‘yan na tanggap na niya ang katotohanan na baka doon na siya mamatay,” pagtatapos niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon ang kampo at pamilya ng dating Pangulo kaugnay rito.
Sa parehong panayam, nagawa ng patutsadahan ni Gadon na masyado umanong madrama ang anak ng dating pangulo na si Vice President Sara Duterte at nagawa niya pa itong sabihang magbitiw sa puwesto.
“Tungkol naman kay Sara, kung ako sa kaniya ay para hindi na patuloy ang impeachment, mag-resign siya. Para makatakbo siya sa 2028 nang wala siyang baggages[...]” aniya.
“Drama na lang ‘yan. Drama ‘yan. Masyado nang madrama ‘yang babaeng ‘yan,” pagtatapos pa ni Gadon sa nasabing panayam.
KAUGNAY NA BALITA: 'Masyadong madrama 'yang babaeng 'yan!' Larry Gadon, pinagre-resign si VP Sara
KAUGNAY NA BALITA: ‘I am old, tired and frail!’ FPRRD, nanindigang ‘di sisipot sa confirmation of charges hearing ng ICC
Mc Vincent Mirabuna/Balita