Tila nagpahayag na ng interes si Sen. Robin Padilla na tumakbong Bise Presidente para sa 2028 National Elections.
Sa kaniyang pahayag nitong Biyernes, Pebrero 20, 2026, iginiit niyang tatakbo lamang siya kung ipag-uutos daw ito ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Kapag utos ni Digong. Walang pwedeng mag utos sa akin kahit sino, si Digong lang,” ani Padilla.
Saad pa niya, ayaw naman daw talaga niya sa politika ngunit kapag si Duterte na raw ang nag-utos, ay susunod daw siya.
“Kasi ayaw ko talaga ng pulitika, alam naman lahat ng… nanay ko alam yan, mga kapatid ko, asawa ko. Basta sinabi ni Digong susunod ako,” anang senador.
Paliwanag pa ni Padilla, ipinanganak daw siyang handa, kaya naman kakayanin daw niyang pasukin ang pagiging Pangalawang Pangulo.
“Ipinanganak po tayong ready. Lalo na ‘yan, para sa akin… Vice President, hindi naman masyadong ano yan…puro advocacy lang ‘yan eh. Parang ikaw ang spare tire, ‘di ba? Kayang-kaya ‘yan,” saad ni Padilla.
Matatandaang isa ang pangalan ni Padilla sa mga umugong na malaki ang posibilidad na maging running-mate ni Vice President Sara Duterte na tatakbong Pangulo sa 2028.