Nakatali sa puno at nasa state of decomposition na ang bangkay ng 12 taong gulang na batang babae na mahigit isang linggo nang nawawala sa Toledo City.
Ayon sa mga ulat, nadiskubre ang bangkay ng biktima matapos mamataan ng ilang residente ang asong may hila-hila umanong paa ng tao,
Nang tukuyin ng mga awtoridad kung saan ito nakalkal ng aso, tumabad sa kanila ang nabubulok na bangkay ng biktima. Sinasabing ilang bahagi rin daw ng kaniyang katawan ang nagkalasog-lasog na.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, noong Pebrero 11 nang huling makitang buhay ang biktima. Nakatakda na raw sanang magtapos sa elementerya ang biktima ngunit hindi na ito nakauwi pa nang buhay.
Samantala, kaagad na natukoy at naaresto ang suspek na napag-alamang kaanak din ng biktima.
Ayon sa mga awtoridad, nahagip ng CCTV footage ang suspek na sakay ng motorsiklong sinakyan din ng biktima noong huling araw na nakita siyang buhay.
Napag-alaman ding lulong umano sa droga ang suspek na nagawa pa raw makipagtulungan at nagkunwaring nakikihanap sa bangkay ng biktima.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang makumpirma kung nagahasa ang biktima at matukoy ang motibo sa likod ng karumal-dumal na krimen.