Mariing sinabi ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go na hindi raw siya takot sa pagkakadawit sa kaniya ng International Criminal Court (ICC) bilang “co-perpetrator” umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noon.
Matatandaan kasing kasama sina Go, kapuwa niya senador na si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, at iba pang mga indibidwal sa pinangalangang “co-perpetrator” umano noon ni FPRRD sa naganap na madugong patayan sa war on drugs sa Davao at maging sa buong Pilipinas.
KAUGNAY NA BALITA: Dela Rosa, Go, atbp., co-perpetrators sa war on drugs ni FPRRD—ICC
Ayon naman sa naging pahayag ni Go sa pagdalo niya sa sesyon ng Senado noong Miyerkules, Pebrero 18, 2026, sinabi niyang importante raw na pantay at dumaan sa tamang proseso ang naturang alegasyong nadawit sa kaniya.
“Ang importante dito dapat fair po, dumaan sa tamang proseso,” pagsisimula niya.
Ani Go, hindi naman umano siya natatakot sa pagbabanggit ng ICC sa kaniyang pangalan dahil wala naman daw siyang kasalanan at ginagawa lang daw niya ang kaniyang trabaho kaya patuloy siyang dadalo sa mga sesyon ng Senado.
“Hindi naman po ako takot dahil wala naman po akong kasalanan,” aniya, “Kaya po naririto ako ngayon, wala po akong kasalanan. Iba po ang aking trabaho.”
Diin niya, ginawa lang daw lahat at sinugal ni FPRRD ang kaniyang buhay para sa tahimik na kinabukasan ng susunod na henerasyon.
“Si Pangulong Duterte naman po ginawa lang niya lahat noon, ang lahat. Sinugal niya ang kaniyang buhay para po sa kinabukasan ng ating mga anak na nakakalakad ang ating mga anak nang tahimik,” saad niya.
“Kayo po ang humusga kung ano ang ginawa niya noong anim na taon na siya po ang namuno dito sa ating bayan. Sinakripisyo po niya ang kaniyang buhay para sa kinabukasan ng ating anak. ‘Yon po ang kaniyang ginawa,” pagtatapos pa niya.
Kaugnay nito, matatandaang nauna na ring umalma si Go at sinabi niyang “unfounded,” “one-sided,” at “unfair” ang nasabing alegasyon laban sa kaniya ng ICC.
“I dispute these allegations which are entirely unfounded, one-sided, unfair and bear no relation to the reality of my roles and responsibilities during my service as Special Assistant to the President from June 2016 to October 2018 as well as Executive Assistant to the Mayor of Davao City from 1998 to 2016,” ‘ika ni Go noong Pebrero 14, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: 'One-sided, unfair!' Sen. Go, umalma sa alegasyong 'co-perpetrator' ni FPRRD
KAUGNAY NA BALITA: 'Kabalastugang akusasyon!' Jimmy Bondoc, nasaktan sa pagdawit ng ICC kay Sen. Bong Go
Mc Vincent Mirabuna/Balita