February 19, 2026

Home BALITA Probinsya

Rescue ops sa MBCA Amejara, itinigil na; 9 na katawan, hindi na nahanap

Rescue ops sa MBCA Amejara, itinigil na;  9 na katawan, hindi na nahanap
Photo courtesy: Coast Guard District Southeastern Mindanao (FB)

Opisyal nang inanunsyo ng Philippine Coast Guard District Southeastern Mindanao (CGDSEM) ang pagpapatigil ng  “Search and Retrieval” operations para sa nawawalang motor banca na MBCA Amejara, noong Miyerkules, Pebrero 18. 

Ayon sa pahayag ng CGDSEM, matapos ang 15 araw nilang “Search and Rescue” operations at 15 araw pang extended na “Search and Retrieval” operations, isang pasahero lamang ang naitala nilang nakaligtas mula sa pagtaob ng MBCA Amejara. 

Sa mga araw na ito, binanggit ni CGDSEM commander Commodore Philipps Soria na pinaigting nila ang kanilang, surface, aerial, at coastal monitoring assets sa search areas at karatig-coastal areas rito, sa kabila ng pabago-bagong panahon at oceanographic assessments. 

Bukod sa suporta ng local government units (LGUs), volunteers, at maritime stakeholders, maigting rin silang nakipagtulungan sa Office of Civil Defense (OCD), Naval Forces Eastern Mindanao (NFEM), Eastern Mindanao Command (EMC), Philippine Air Force – Tactical Operations Wing Eastern Mindanao (PAF-TOWEM), Philippine National Police Maritime Group, Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), National Bureau of Investigation (NBI), at Department of the Interior and Local Government (DILG).

Probinsya

Binatilyong hiniwalayan umano ng jowa, nagpatiwakal!

Gayunpaman, anim na bangkay lamang ang narekober ng mga awtoridad mula sa tumaob na MBCA Amejara, at may siyam pang hindi na nahanap. 

Sa opisyal na termination ng “Search and Retrieval” operations, ibinahagi ng CGDSEM ang lubos nilang pakikiramay sa pamilyang naulila ng mga pasahero. 

“To the families and loved ones of those who remain missing, CGDSEM conveys its deepest sympathies and unwavering solidarity. We acknowledge the profound pain and uncertainty brought by this tragedy. Every available resource and measure was undertaken with diligence, compassion, and respect for your loved ones. While active operations has  concluded, your strength and hopes continue to inspire us, and you remain in our thoughts and prayers during this difficult time,” pakikiramay ng CGDSEM.

Tiniyak naman ng ahensya na bagama’t natapos na ang retrieval operations, nananatili silang bukas sa pagpasok ng mga posible pang ulat at recovered materials mula sa motor banca, at agad itong bibigyan ng karampatang aksyon.

Matatandaang unang naiulat ang paglubog ng MBCA Amejara noong Enero 19, sa Sta. Ana Wharf, Davao City, na nakatakdang dumaong sa Governor Generoso, Davao Oriental. 

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Ang pagtaob at pagkawala ng MBCA Amejara sa Davao

Sean Antonio/BALITA