February 19, 2026

Home BALITA National

'Pink' na suot ni Usec. Castro, nausisa; may 'nililigawan' bang politiko?

'Pink' na suot ni Usec. Castro, nausisa; may 'nililigawan' bang politiko?
Photo courtesy: RTVM/YT


Tila nabigyan ng malisya ang kasuotan ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro nang pangasiwaan niya ang ikinasang press briefing ng PCO nitong Huwebes, Pebrero 19.

Sa nasabing press briefing, natanong kasi si Usec. Castro kaugnay sa “pink” niyang kasuotan, at kung may koneksyon ba ito sa anumang usapin sa politika ng bansa.

“Ikaw naman, nagsuot lang ako ng pink, mayroon na agad malisya. Wala po! Ang kulay na sinuot ko ngayon ay wala pong kaugnayan sa anumang politika,” saad ni Usec. Castro.

Idiniin din niya na walang ligawang nagaganap, at hindi pa pumapasok sa isipan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang usapin patungkol sa eleksyon.

“Wala pong anumang update kung nililigawan ang sinuman dahil ang sabi nga po natin kahapon pa, ay wala pa po sa isipan ng Pangulo at ng administrasyon na ito ang patungkol sa pamumulitika o humanap ng sinumang kandidato para sa 2028,” aniya.

“Darating po ang panahon na ‘yan. Sa ngayon po, ang tutok po ng Pangulo ay trabaho—ayon po, ayusin ang mga isyu sa baha, at ang pag-angat po ng ekonomiya ng bansa,” giit pa niya.

Sinagot din ng press officer ang tanong hinggil sa reaksiyon ng Palasyo kaugnay sa maugong na posibleng tandem nina dating Vice President at ngayo’y Naga City Mayor Leni Robredo at Sen. Risa Hontiveros—pantapat umano kina Vice President Sara Duterte at Sen. Imee Marcos.

“Wala pa rin po, hindi pa rin po ito napag-uusapan. Sabi nga po natin: trabaho, trabaho, trabaho—hindi bakasyon,” anang press officer.

Matatandaang “pink” ang naging kulay ng kampanya ni Robredo nang siya ay tumakbo sa pagkapangulo noong 2022 presidential elections.

Vincent Gutierrez/BALITA

National

Palasyo, nanindigang naaayon sa batas ang pag-aresto kay FPRRD