February 19, 2026

Home BALITA National

Mayor Vico Sotto, nagsampa ng reklamong 'election offense' vs Sarah Discaya

Mayor Vico Sotto, nagsampa ng reklamong 'election offense' vs Sarah Discaya
Photo courtesy: via MB

Nagsampa si Pasig City Mayor Vico Sotto ng mga reklamong may kaugnayan sa paglabag umano ng negosyante at kontratistang si Sarah Discaya sa election law noong panahon ng kanilang pangangampanya. 

Ayon sa naging pahayag sa media ni Sotto matapos nilang pumunta sa COMELEC nitong Huwebes, Pebrero 19, 2026, sinabi niyang malinaw naman daw mga naging paglabag ni Discaya noong nakaraang eleksyon sa lungsod ng Pasig. 

“Opo, nag-file kami ng election related case kay Sarah Discaya. Tingin ko, malinaw naman ano, clear and blatant violations of election law,” pagisismula niya. 

Dagdag pa niya, “Ayoko na rin gawin ito kasi nakakaabala rin. Pero sa atin kasi, ang gusto natin sa lungsod [ng] Pasig, ay kailangang sumunod ka sa batas—kailangang sumunod ka sa election law.” 

National

Sen. Bam, itinangging tatakbo bilang Vice President sa 2028!

Bagama’t hindi opisyal na binanggit ni Sotto ang mga naging paglabag umano ni Discaya, nagawa niyang ihalimbawa ang mga ito sa wastong pagdedeklara ng gastusin sa pangangampanya, pagpapatayo ng billboard, at iba pa. 

“Kapag sinabing kailangan mong i-declare lahat ng gastusin mo, dapat i-declare mo nang maayos. Kapag sinabing bawal ang ganitong klaseng billboard ay bawal ang ganoong klaseng billboard,” paghahalimbawa niya. 

“Kapag sinabing three pesos per candidate per voter ang puwedeng gastusin ay hanggang doon lang talaga kapag campaign period. Marami pa pong iba at puwende n’yo naman pong basahin tingnan,” paglilinaw pa niya. 

Ani Sotto, dalawang beses umano silang nagsampa ng kaso laban kay Discaya sa Prosecutor Office sa Pasig nito ring umaga ng Huwebes at sa COMELEC pagsapit ng hapon. 

“Actually, magkakambal po ito. Ito pong finile natin ngayon sa COMELEC tapos kaninang umaga, mayroon din po kaming finile sa prosecutor ng Pasig para naman po sa perjury dahil sa kaniyang misdeclaration tungkol sa kaniyang citizenship,” aniya. 

Paliwanag pa niya, “Dahil siya po ay British, dual citizen. Tapos sinabi niya na hindi. Tapos ginamit niya pa ‘yong passport niya pagkatapos ng filing of COC.” 

Depensa naman ni Sotto sa tanong kung bakit ngayon lang umano siya ng nagsampa ng kaso laban sa nasabing kontratista, ngayon daw sa tingin niya ang tamang panahon dahil ginusto raw niyang ang taumbayan ang magdesisyon kung sinong iboboto nila noon. 

Ayaw niya rin naman daw itong gawin noong panahon ng eleksyon dahil baka sabihin umano na “politically motivated” ang kanilang magiging hakbang. 

“Tingin ko naman ito ‘yong tamang timing. Before elections, ayaw ko talagang mag-file ng kahit anong disqualifications kasi ang gusto ko [ay] tao ang magdesisyon,” saad niya. 

“Baka sabihin, politically motivated kung before elections ko ginawa. Pero ngayon, tapos na ang panahon ng politika, tapos na ang eleksyon—panalo ako sa eleksyon, para sa akin, ito ‘yong tamang pagkakataon para gawin po ito,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, hindi pa naman naglalabas ng tugon, reaksyon, o pahayag ang kampo ni Discaya kaugnay rito. 

Mc Vincent Mirabuna/Balita