February 19, 2026

Home BALITA Metro

DOTr, sinibak opisyal na nagpahinto sa ambulansyang may sakay na pasyente

DOTr, sinibak opisyal na nagpahinto sa ambulansyang may sakay na pasyente
Photo courtesy: MB

Sinibak ng Department of Transportation (DOTr) ang isa sa mga opisyal ng Special Action Intelligence Committee for Transportation (SAICT) matapos nitong pahintuin ang isang on-duty na ambulansya sa EDSA Busway-Santolan Station kamakailan. 

Base sa inilabas na memorandum ng DOTr noong Miyerkules, Pebrero 18, pinara ng opisyal na si Rayson Dela Torre ang ambulansya, noong Martes, Pebrero 17, dahil dumaan ito sa EDSA Busway, para sa medical check-up ng sakay nitong pasyenteng may stage 4 cancer, at hindi raw para sa emergency use. 

“Hindi po natin tatanggapin na rason ‘yung magpapa-check up ‘yung pasahero sapagkat eto naman po ay naka-schedule na sa kani-kanilang ospital na pupuntahan. Ang papayagan na lang po natin ay iyong mga nag-aagaw-buhay na mga pasyente,” paliwanag ni Dela Torre sa media. 

Binanggit ng DOTr na pinayagan pa rin naman bumiyahe sa EDSA busway ang ambulansya matapos itong parahin. 

Metro

‘Grave coercion’ isinampang kaso sa nahuling online harasser sa Taguig

Gayunpaman, nilinaw ni DOTr Acting Sec. Giovanni Lopez na lahat ng on-duty ambulance ay pinahihintulutan dumaan sa busway, anuman ang kondisyon ng pasyenteng sakay nito. 

Bilang pakikiisa sa pamilya ng pasyente, binigyang direktiba ng DOTr si Dela Torre na maglabas ng paliwanag hinggil sa naging insidente.

Kasabay rin ng masusing imbestigasyon, opisyal na tinanggal sa pagiging Special Operations Group Head ng EDSA Busway si Dela Torre, at upang hindi na maulit ang ilan pang kaparehas na insidente.

Inatasan din ang DOTr-SAICT na magsagawa ng reorientation sa personnel na papalit dito. 

Sean Antonio/BALITA