Patay ang isang binatilyo matapos makuryente nang mahawakan ang isang poste na nadikitan ng nabalatang live wire sa Pozorrubio, Pangasinan.
Ayon sa ulat, nanonood lamang ang biktima ng liga ng basketball sa Barangay Talogtog at nakaupo malapit sa poste ng basketball hoop nang bigla siyang makuryente matapos mapahawak dito.
Kalaunan ay natuklasan ng mga residente na may nakadikit palang nabalatang kable ng kuryente sa poste na pinagmulan ng aksidente.
Ipinagtaka ng pamilya ng biktima kung paano nagkaroon ng live wire sa lugar.
Samantala, sinabi ng Sangguniang Kabataan na nag-organisa ng paliga na kanilang sinuri ang mga kable bago magsimula ang laro at posibleng bago lamang natuklap ang bahagi ng kable.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang chairman ng barangay.
Matapos ang insidente, nagsagawa ng inspeksiyon sa mga linya ng kuryente sa mismong basketball court.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang konseho ng barangay sa pamilya ng biktima at nangakong magbibigay ng tulong pinansyal.