Ibinahagi sa publiko ni singer-songwriter at dating senatorial aspirant Atty. Jimmy Bondoc na maaari rin umanong maging katambal ni Vice President Sara Duterte si Sen. Robin Padilla para sa susunod na eleksyon.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, inanunsyong tatakbong Pangulo sa 2028!
Ayon sa naging panayam sa Sa Totoo Lang ng One PH kay Bondoc noong Miyerkules, Pebrero 18, 2026, sinang-ayunan niya ang tanong sa posibilidad na puwedeng maging ka-tandem ni Duterte si Padilla sa pagiging national figure nito.
“Yeah, I mean right now, loyalty is the most precious commodity and Robin has exhibited that,” pagsisimula niya.
Ani Bondoc, makikita raw talaga ‘yong sinseridad at “willingness” ni Padilla na ipaglaban kahit na ang mga komplikadong isyu kahit na madalas umanong baliktarin ang pahayag ng nasabing senador sa publiko.
“If you notice, there has been quite a reversal regarding the public opinion of Robin even in certain political stalwarts . Kasi right now, nakita na po natin na importante naman po talaga ang edukasyon,” aniya.
Dagdag pa niya, “Pero makikita natin talaga ‘yong power ng sinseridad at ‘yong talagang willingness to fight even for the uncomfortable issues.”
Anang abogado, hinarap daw ni Padilla ang mga usapin sa “gender issues,” diborsyo, at pagbabago sa konstitusyon kaya raw magandang halimbawa ito na nababagay siyang kandidato para kay Duterte.
“He has taken on very sensitive issues such as gender issues, divorce, and constitutional changes. So baka ‘yun ang pinakamaganda rin, again, among the very good candidates for VP,” saad niya.
“Because ang Vice President usually is an advocate and si Robin is a very strong advocate of even difficult issues,” pagtatapos pa ni Bondoc.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na direktang tugon, reaksyon, o pahayag si Padilla kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Robin, bet ang tambalang Sara-Imee sa 2028
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Robin, pumalit kay Sen. Bato sa Blue Ribbon Committee!
Mc Vincent Mirabuna/Balita