Aminado ang Malacañang nitong Huwebes, Pebrero 19, 2026, na wala pang tinatalakay si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. hinggil sa magiging pambato nito sa pagkapangulo at posibleng mga koalisyon para sa halalan sa 2028.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, hindi pa kasama sa prayoridad ng administrasyon ang usaping may kinalaman sa susunod na eleksyon.
“Sa totoo lang kapag nakakasama natin ang Pangulo sa pagme-meeting, hindi po talaga napag-uusapan sa ngayon ang politika patungkol dyan,” pahayag ni Castro sa panayam sa Unang Balita ng GMA Integrated News.
Tinanong din si Castro kaugnay ng magiging hakbang ni Marcos matapos ihayag ni Bise Presidente Sara Duterte ang planong pagtakbo sa pagkapangulo sa 2028.
“If you're a politician, you will think of the next election. But if you are a statesman, you will think of the next generation,” ani Castro.
“So, yung mga nag-iisip ngayon ng politika, ang aga-aga, alam mo na ang nasa dibdib, para i-angat ang sarili, i-promote agad ang sarili. Hindi iniisip na i-promote ang bansa,” dagdag pa niya.
Nang tanungin naman tungkol sa posibleng tambalan nina Duterte at Senadora Imee Marcos, kapatid ng Pangulo, nagbiro si Castro.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Robin, bet ang tambalang Sara-Imee sa 2028
“Parang Powerpuff Girls lang. Kulang pa ng isa. Girl power daw. Ramdamin ng buong Pilipinas ang kanilang power. Team Itim Power ‘yan actually. Hindi girl power,” ani Castro.
KAUGNAY NA BALITA: Usec. Castro, kinudang ‘team itim power’ imbes na ‘girl power’ tambalang VP Sara–Sen. Imee
Nauna nang nagkaroon ng political advertisement sina Senadora Marcos at Duterte na may temang “Itim,” na ayon sa kanila ay sumisimbolo sa pagwawasto sa “maling landas.”
Dagdag pa ni Castro, hindi pa niya ito ulit napag-uusapan kay PBBM.