Nagbigay ng tugon ang Palasyo hinggil sa naging pormal na anunsyo ni Vice President Sara Duterte na tatakbo siyang Pangulo ng Pilipinas sa 2028, matapos ang isinagawang press conference nitong Miyerkules, Pebrero 18.
Nausisa si Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro kung ano raw ang masasabi ng Palasyo patungkol dito.
"Good luck," anang press officer.
"Narinig niya po at ang sabi niya po eh, good luck. Iyon lamang po," nakangiting paliwanag pa ni Castro.
Nag-follow-up naman ng tanong kay Castro si GMA news reporter at news anchor Ivan Mayrina kung paano raw sinabi ni PBBM ang good luck para kay VP Sara.
"Can you describe to us how he said that? Ito po ba ay... may good luck po kasing sincere, may good luck na sarcastic," aniya.
Sagot ni Castro, "Kapag po kasi nagsasabi si Pangulo ng good luck, nakangiti naman siya eh."
''So kung sarcastic 'to o hindi, hindi ko masasabi," sundot pa niya.
Samantala, bago ang press conference, pinaalis na muna ni VP Sara ang logo ng Office of the Vice President (OVP) sa podium, bago niya rin ihayag ang hangaring pagtakbo sa 2028.
"Mga kababayan, ibalik natin ang tapang at malasakit para sa Diyos, sa bayan, at para sa bawat pamilyang Pilipino,” anang Pangalawang Pangulo.
“Ako si Sara Duterte, tatakbo bilang Pangulo ng Pilipinas,” pagwawakas niya sa kaniyang talumpati.
Kaugnay na Balita: PBBM sa presidential bid ni VP Sara: 'Good luck!'
Kaugnay na Balita: VP Sara, inanunsyong tatakbong Pangulo sa 2028!