February 18, 2026

Home BALITA National

Sen. Lacson, sasampahan ng ethics complaint ng kapuwa senador?

Sen. Lacson, sasampahan ng ethics complaint ng kapuwa senador?
Photo courtesy: Sen. Ping Lacson (FB)

Ibinahagi ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na may kapuwa raw niya senador ang nagbabantang magsampa ng ethics complaint laban sa kaniya. 

Ayon sa naging pahayag ni Lacson kamakailan sa kaniyang “X” account, isiniwalat niya sa publiko ang umano’y nakaambang pagsasampa ng ethics complaint laban sa kaniya ng kapuwa niya senador dahil daw sa “spliced video” na inupload niya sa kaniyang social media account noon tungkol sa pagdinig nila sa Commission on Appointments (CA). 

“Reports have reached me that a fellow senator has threatened to file an ethics complaint against me for supposedly splicing a video taken during a CA confirmation hearing,” pagbabahagi ni Lacson. 

Photo courtesy: Sen. Ping Lacson (X)

Giit naman niya, “Paano ba mag splice ng video? I have no idea. Please teach me.” 

National

Patawad! VP Sara, humingi ng paumanhin sa pagtulong mahalal si PBBM

Dagdag ni Lacson, kakasuhan din daw umano si dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio ng “treason” kahit na walang giyera at ethics complaint laban sa kaniya kahit hindi naman daw siya marunong mag-splice ng video. 

“What’s happening? Kakasuhan daw si ex Justice Carpio ng treason, wala namang giyera; kakasuhan daw ako for splicing a video, hindi naman ako marunong mag splice,” diin niya. 

Bagama’t walang literal na pangalang nabanggit si Lacson, matatandaang nagkaroon ng pahayag si Sen. Rodante Marcoleta sa programa nila noong Pebrero 16, 2026, na may “draft” na umano siya ng ethics complaint laban sa kapuwa niya senador na hindi na rin niya pinangalanan. 

“Gagawa ka ng ganoong klaseng naratibo, ibang-iba doon sa tunay na nangyari, may siguradong sa Ethics Committee ang bagsak mo. Alam mo, sa totoo lang, meron na ako draft niyan eh. Inaayos na lang ang ilang bahagi,” buwelta niya. 

Bukod pa rito, nasaad din ni Marcoleta sa parehong programa na sasampahan niya raw ng kaso si Carpio ng “treason” dahil sa desisyong isinulat niya tungkol sa teritoryo ng Pilipinas sa kasong Magallona vs. Ermita noong 2011.

“Lumaki nga sa palagay niya ang Exclusive Economic Zone, ipinamigay niya 'yong 242,000 square nautical miles. Territorial sea 'yon, ibig sabihin parte ng ating territory… I charge him treason for this,” ayon pa kay Marcoleta. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na bagong pahayag si Marcoleta kaugnay sa mga plano niyang pagsasampa ng ethics complaint laban sa hindi niya napangalanang kapuwa senador at “treason” laban kay Carpio. 

KAUGNAY NA BALITA: Marcoleta kay Carpio sa usaping treason: 'Akala ko naman malawak pang-unawa niya!'

KAUGNAY NA BALITA: Merong pinaghihinalaan? Sen. Marcoleta, dumepensa sa 'homegrown traitors' statement ni Sen. Lacson!

Mc Vincent Mirabuna/Balita