Nagbigay ng reaksiyon si Sen. Imee Marcos hinggil sa naging pahayag ni Sen. Robin Padilla na puwede silang maging running mate ni Vice President Sara Duterte sa presidential bid nito sa 2028.
Matatandaang nitong Miyerkules, Pebrero 18, hayagan nang inanunsyo ni VP Sara ang pagtakbo niya sa pagkapangulo sa nabanggit na presidential race.
Kaugnay na Balita: VP Sara, inanunsyong tatakbong Pangulo sa 2028!
Ayon kay Padilla, isinusulong niya ang "Sara-Imee" tandem at oras na raw para maranasan ng mga Pilipino ang "girl power."
Kaugnay na Balita: Sen. Robin, bet ang tambalang Sara-Imee sa 2028
Sa ambush interview ng media, nasabi ni Marcos na talagang matagal na silang running mate ni Duterte.
"Ay, Diyos ko, si Robin talaga... well, kung sabagay, talaga namang forever running mate ko naman talaga 'yan; takbo, gapang, luhod, patayo, paupo, hindi ko naman siya kailanman iniwanan," sagot ng senadora.
Nang tanungin kung willing ba siyang maging vice presidential candidate na katandem ni VP Sara, "Hello, basta sunud-sunuran ako do'n."
Nang linawin pa ng mga miyembro ng media kung willing ba siya, "Hindi, siya nag-announce. Hayaan n'yo na siya, kayo talaga."
Sinabi naman ng senadora na maganda raw ang naging maagang deklarasyon ng Pangalawang Pangulo dahil nabibigyan ng pag-asa ang mga tao dahil napakahirap aniya ng panahon at ang gulo-gulo ng gobyerno.
Nang tanungin ulit kung may ambisyon siyang tumakbong VP, mariing "No" ang sinabi niya.
Hindi rin sinagot ni Marcos ang pahabol na tanong na kung papayag ba siyang mag-VP kung sakaling personal siyang piliin ni VP Sara.
"Pasaway si Robin!" ang tanging nasabi na lang ng senadora, na may kaugnayan sa naging pahayag nito sa tandem nila ng Bise Presidente.
Samantala, nagpahayag naman ng pagsuporta si Sen. Imee sa naging deklarasyon ni VP Sara, sa pamamagitan ng kaniyang opisyal na pahayag na naka-post sa kaniyang Facebook page.
“[T]aglay niya ang TAPANG at MALASAKIT ng kanyang ama habang bitbit ang karanasan sa pagtulong sa maralita, mga nangangailangan at pinagmalupitan,” aniya.
“Siya ang MAY SOLUSYON,” dagdag pa.
Kaugnay na Balita: 'Siya ang may solusyon!' Sen. Imee, suportado si VP Sara sa pagtakbong Pangulo