Naghayag ng suporta ang Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan kay Vice President Sara Duterte matapos nitong ianunsiyo ang planong pagkandidato bilang Pangulo sa 2028 elections.
Sa isang Facebook post ng PDP Laban nitong Miyerkules, Pebrero 18, sinabi nilang naipakita umano ni VP Sara ang pamumunong may malasakit, tibay ng loob, at paninindigan para sa kapakanan ng bayan.
“Naniniwala ang PDP Laban na ang ganitong uri ng pamumuno—may puso, may tapang, at may tunay na malasakit—ang kailangan ng ating bansa sa mga darating na taon,” saad ng naturang political party.
Dagdag pa nila, “Kaisa niya ang buong PDP Laban sa panawagang magkaisa ang sambayanang Pilipino tungo sa isang mas ligtas, mas maunlad, at mas makatarungang kinabukasan para sa lahat.”
Matatandaang ama ni VP Sara na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang chairman ng PDP Laban, ngunit dahil kasalukuyang nakapiit sa The Hague, Netherlands ang huli, gumaganap bilang acting chairman nito ang dating Department of Energy Sec. Alfonso Cusi.
Kabilang sa mga bahagi ng political party na ito ay sina Sen. Robin Padilla, Sen. Bong Go, at Sen. Bato Dela Rosa.
Maki-Balita: VP Sara, inanunsyong tatakbong Pangulo sa 2028!