Inamin mismo ng vlogger na si Jack Argota na peke ang medical certificate na ipinost niya laban kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. nang magsadya siya sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Miyerkules, Pebrero 18.
Sa ambush interview ng media kay Argota, sinabi niyang ginawa niya ito para "makasabay sa uso" at magkaroon ng engagement sa kaniyang social media platform.
“Wala… para makasabay sa uso… engagement ganun,” saad ni Argota.
“Kung naka-follow sila sa akin, alam naman nila na nagpapatawa lang ako,” dagdag pa niya.
Inamin din ng social media personality na gumamit siya ng Artificial Intelligence (AI) tool para i-enhance ang nilalaman bago ito i-post, pero napansin din niyang may maling detalye sa dokumento.
Sa naging pahayag pa ni Argota sa ambush interview ng ABS-CBN News, sinabi niyang alam niyang may pagkakamali siya subalit hindi naman daw siya nagsisisi sa kaniyang ginawa.
"Hindi ako nagsisisi pero may pagkakamali ako na slight. Natutunan ko na ‘wag bugso ng damdamin ang pairalin, pag-aralan mo rin kung may katotohanan ba. May mali rin ako pero ‘di ako nagsisisi,” aniya.
Kaugnay na Balita: Jack Argota sa pekeng medical certificate ni PBBM: 'May mali rin ako pero ‘di ako nagsisisi!'
Samantala, nagbigay naman ng pahayag ang Palasyo kaugnay sa isyu, sa isinagawang press briefing sa parehong araw.
"Ang batas ay dapat ipatupad. Ang lumabag sa batas ay dapat managot. Hindi po kasi ginagawang biro ang pagko-content lalo na kung makakaapekto ito hindi lamang sa taong ginawa mong subject matter sa iyong content kundi sa buong tao, sa buong mamamayan na maaaring makapanood ng inyong mga fake news," ani Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro.
"Nilalabanan po natin ang fake news at hindi po dapat ito gagawin at pagkasabi ng sorry ay tapos na. So tingnan na lang po natin kung anong mangyayari po diyan at kung wala naman siyang kasalanan, eh ipagtanggol na lamang niya ang kaniyang sarili," aniya pa.
Sundot na tanong ay kung itutulak ba ng Palasyo na makasuhan ang nabanggit na vlogger o iba pang mga nagpapakalat ng fake medical certificate.
"Ang nagsampa naman po ay NBI. Kung ano po ang nakikita nilang labag sa batas, dapat panagutin," tugon naman ni Castro.