Inamin ng vlogger na si Jack Argota na nagkamali siya sa pagpo-post ng umano’y “pekeng” medical certificate ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., ngunit iginiit niyang wala siyang pinagsisisihan sa insidente.
Sa ambush interview ng ABS-CBN News kay Argota nang magsadya siya sa National Bureau of Investigation (NBI) nitong Miyerkules, Pebrero 18, sinabi ni Argota na may pagkukulang siya sa paraan ng kaniyang paglalabas ng "bugso ng damdamin," subalit sinabi niyang wala siyang pagsisisi sa kaniyang ginawa.
“Hindi ako nagsisisi pero may pagkakamali ako na slight. Natutunan ko na ‘wag bugso ng damdamin ang pairalin, pag-aralan mo rin kung may katotohanan ba. May mali rin ako pero ‘di ako nagsisisi,” aniya.
Ang pahayag ay kaugnay ng kontrobersiyal na post niya tungkol sa umano’y medical certificate ng Pangulo na kalauna’y itinuring na hindi beripikado o peke.
Sa isang video message, pinasalamatan ni Argota ang mga taga-NBI at sinabi sa publiko na hindi sila mga kaaway, bagkus, sinusunod lamang nila ang mga ipinag-uutos sa kanila.
Masaya aniya siya sa naging karanasan niya bilang vlogger matapos matawag sa NBI.
Samantala, nahingan naman ng reaksiyon ang Palasyo patungkol dito.
"Ang batas ay dapat ipatupad. Ang lumabag sa batas ay dapat managot. Hindi po kasi ginagawang biro ang pagko-content lalo na kung makakaapekto ito hindi lamang sa taong ginawa mong subject matter sa iyong content kundi sa buong tao, sa buong mamamayan na maaaring makapanood ng inyong mga fake news," ani Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro.
"Nilalabanan po natin ang fake news at hindi po dapat ito gagawin at pagkasabi ng sorry ay tapos na. So tingnan na lang po natin kung anong mangyayari po diyan at kung wala naman siyang kasalanan, eh ipagtanggol na lamang niya ang kaniyang sarili," aniya pa.
Sundot na tanong ay kung itutulak ba ng Palasyo na makasuhan ang nabanggit na vlogger o iba pang mga nagpapakalat ng fake medical certificate.
"Ang nagsampa naman po ay NBI. Kung ano po ang nakikita nilang labag sa batas, dapat panagutin," tugon naman ni Castro.
Kaugnay na Balita: Jack Argota, nag-react na posibleng ma-subpoena dahil sa 'pekeng' med record ni PBBM
Kaugnay na Balita: 'Sa wakas dumating din!' Jack Argota, natanggap na 'subpoena' mula sa NBI