February 18, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Izzy Trazona sa kinahaharap na isyu: 'Gumigising everyday by the strength that God gives!'

Izzy Trazona sa kinahaharap na isyu: 'Gumigising everyday by the strength that God gives!'
Photo courtesy: Izzy Trazona-Aragon/FB

Nagbigay ng isang makahulugang pahayag sa social media ang dating miyembro ng SexBomb Girls na si Izzy Trazona kaugnay sa umano’y patuloy na pambabatikos na natatanggap ng kaniyang mister na si Alvin Aragon.

Sa kaniyang Facebook post nitong Miyerkules, Pebrero 18, inamin ni Izzy na hindi madali ang pinagdaraanan ng kanilang pamilya sa kasalukuyan.

Gumigising na lamang daw sila batay sa ibinigay na katatagan mula sa Diyos.

“It’s not easy for the whole family… but gumigising everyday by the strength that God gives… By grace na hindi naman namin deserve, but patuloy na kumakapit sa mga pangako ng Diyos. At patuloy na nakatingin sa ginawa ni Jesus to save sinners like us.”

Tsika at Intriga

Ogie, rumesbak laban kay Rod: 'Saan galing hugot ng galit mo kay Coco ngayong 2026?'

Bagama’t walang detalyeng ibinahagi ang aktres hinggil sa pinagmulan ng bashing, malinaw sa kaniyang mensahe na malaki ang epekto nito hindi lamang sa kaniyang asawa kundi sa buong pamilya.

Ibinahagi rin ni Izzy na tinatawag nilang “the imperfect family” ang kanilang group chat sa Messenger—isang patunay, ayon sa kaniya, na aminado silang hindi sila perpekto.

“We are not perfect, actually the name of our gc sa messenger is ‘the imperfect family’ kaya ganon nalang ang pagkapit sa salita Nya. Kasi hindi ko alam kung saan kami pupulutin apart from His word.”

Sa gitna ng kontrobersiya, pinili ng mag-asawa na kumapit sa kanilang pananampalataya. Ayon kay Izzy, ang kanilang lakas ay nagmumula sa Diyos at sa Kanyang mga pangako, lalo na sa gitna ng mga pagsubok at puna mula sa publiko.

Nagpasalamat din siya sa mga taong nagpadala ng pribadong mensahe at suporta sa kanila.

“Salamat sa lahat ng pm and encouragement! God bless everyone!” aniya pa.

Kalakip ng kaniyang post ang larawan nila ng pamilya.

Photo courtesy: Screenshots from Izzy Trazona-Aragon/FB

Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na pahayag si Alvin Aragon hinggil sa mga isyung ipinupukol laban sa kaniya.

Nag-ugat ang matinding bashing sa kaniya sa naging mga sagot niya sa isang panayam, sa dahilan kung bakit hindi nakasali si Izzy sa reunion concerts ng grupo.

Naging kontrobersiyal din ang pagbanggit niya sa ideya ng homosexuality, partikular sa panganay na anak ni Izzy at stepdaughter na si Andrei "Sofia" Trazona.