Napabilang sa 'happiest workers' sa Asia-Pacific region ang mga manggagawang Pilipino batay sa isinagawang survey ng online career platform na Jobstreet.
Ayon sa datos na inilabas ng Jobstreet nasa 77% mga Pilipino ang nagsasabing masaya umano sila sa kanilang trabaho—dahilan upang pumangalawa ang Pilipinas sa mga bansang may 'happiest workers,' na sumunod sa Indonesia na may 82%.
Sa kabuuang porsyento sa mga rehiyon ng Pilipinas, ang mga manggagawa mula sa Visayas region ang nanguna sa mga nagsasabing masaya sila sa kanilang trabaho na may 82%, sumunod ang National Capital Region (NCR) na may 77% at kapuwa may 76% naman ang Luzon at Mindanao.
"Jobstreet by SEEK, through this study, seeks to empower hirers in navigating these shifts and creating workplaces that foster talent engagement and long-term growth," ani Dannah Majarocon, Managing Director ng Jobstreet.
Batay pa sa pagsusuri pawang ang mga salik na career development, makabuluhang trabaho, sahod at workplace flexibility ang mga nangunang tinitingnan ng mga Pinoy sa kanilang pagtatrabaho.
Samantala, ibinahagi rin ng nasabing survey na sa kabila ng matataas na datos na nagsasabing masaya ang mga Pinoy sa kani-kanilang trabaho, umabot naman sa 41% ang aminadong kaya nilang ma-control ang stress level sa trabaho habang 38% ang nagsasabing 'burnout' at pagod na sila.