Natagpuang patay ang isang 17-anyos na lalaki matapos umanong magbigti sa isang sanga ng puno sa Purok 3, Barangay Malhiao, Badian, Cebu.
Batay sa ulat ng Badian Municipal Police Station, kinilala ang biktima sa alyas “Kyle,” isang Grade 11 student ng Badian National High School at residente ng nasabing lugar.
Ayon sa imbestigasyon, nadiskubre ang walang buhay na katawan ng biktima ng isang residente na naglalakad habang inaalagaan ang kaniyang alagang baka.
Kinumpirma rin ng ina ng biktima na napansin niyang labis ang kalungkutan ng kaniyang anak noong mga nakaraang araw matapos umano itong hiwalayan ng kaniyang kasintahan.
Aniya, nawalan na rin umano ng ganang pumasok sa paaralan ang binatilyo kasunod ng kanilang paghihiwalay.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
Samantala, pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na huwag mag-atubiling humingi ng tulong kung nakararanas ng matinding problema o depresyon.
Maaaring makipag-ugnayan sa mga psychologist, counselor, pari o pastor, gayundin sa National Center for Mental Health (NCMH) Crisis Hotline.
Bukas ang NCHM Hotline 1553 (landline), at 0917-899-8727 (USAP) para sa agarang payo at tulong.