Naniniwala pa rin si Sen. Bam Aquino na dapat raw na sa loob ng Pilipinas maisagawa ang mga trial ng Korte tungkol sa mga kasong may kaugnayan sa Extrajudicial Killing (EJK) sa panahon ng panunungkulan noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa naging panayam sa Unang Balita ng GMA Integrated News kay Aquino nitong Martes, Pebrero 17, 2026, sinabi niyang dapat daw na hintayin muna ang magiging pormal na deklarasyon ng International Criminal Court (ICC) sa nakatakdang pagdinig nila sa darating na Pebrero 23, 2026, kahihinatnan ng pagkakadawit ng dalawa niyang kapuwa senador na sina Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa at Sen. Bong Go bilang mga “co-perpetrator” diumano ni FPRRD.
KAUGNAY NA BALITA: Dela Rosa, Go, atbp., co-perpetrators sa war on drugs ni FPRRD—ICC
“Unang una, siguro po, hintayin natin ‘yong pormal na deklarasyon ng ICC sa [February] 23 kung ano po ba talaga ‘yong nandiyan,” pagsisimula niya.
Ani Aquino, naniniwala raw siya na dapat maganap ang mga trial ng Korte sa mga kasong kaugnay sa EJK sa loob ng Pilipinas dahil dito rin naman daw naganap ang mga naging madugong patayan noon.
“Pero ako, personally, nasabi ko na naman ito noon, ‘yong mga nangyaring pagpatay sa ating bansa, at kailangan po nating harapin na nagkaroon talaga ng Extrajudicial Killings sa ating bansa, ay dapat po ‘yong mga trial po niyan ay ideally dapat dito po talaga sa Pilipinas kasi ‘yong mga biktima po ay nandito rin sa Pilipinas,” aniya.
Pagkukuwento ni Aquino, nakausap raw nila sa Senado noong nakaraang linggo ang mga nanay ng ilang naging biktima ng EJK at sinabi niyang maganda daw na mahanap ng mga pamilya ng biktima ang hustisya sa loob ng bansa.
“Noong isang linggo, kausap mo namin ‘yong mga nanay no’ng mga pinaslang. Mayroon po silang exhibit doon sa Senado at siguro po ‘yong hustisya, sa mga bagay na nangyari dito, ay maganda rin pong mangyari dito ‘yong paghahanap ng hustisya,” saad niya.
“Pero syempre po, nirerespeto po natin ‘yong proseso na nangyayari sa ICC doon po sa ibang bansa,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: Lacson, nanindigang kailangang idaan sa lokal na korte sina Go, Dela Rosa
KAUGNAY NA BALITA: Palasyo, 'di raw maaaring makialam sa proseso ng ICC, pagdawit kina Bato at Go
Mc Vincent Mirabuna/Balita