Nagbigay ng matapang na pahayag ang talent manager at showbiz insider na si Ogie Diaz laban sa aktor na si Rod Navarro Jr., anak ng yumaong beteranong direktor na si Rod Navarro, kaugnay ng umano’y negatibong post nito laban kay 'FPJ's Batang Quiapo" lead star at direktor ding si Coco Martin.
Sa isang mahabang mensahe, ibinahagi ni Ogie na may natanggap siyang direktang mensahe noon mula kay Rod Jr., na ngayon lamang niya nabasa sa kaniyang message request.
Ayon sa kaniya, nabanggit umano ni Rod Jr. ang kaniyang pangalan sa post nito laban kay Coco, kaya minabuti niyang magsalita at linawin ang ilang bagay.
Diretsahang tinanong ni Ogie kung paano umano minura at minaltrato si Rod Jr. sa set ng serye gayong dati naman itong nagpadala sa kaniya ng mensahe upang magpa-interview at makapagpasalamat kay Coco sa kabutihang ipinakita sa kaniya.
"Paano kang minura at minaltrato sa set ng 'Batang Quiapo' kung nag-message ka sa akin dahil gusto mong magpainterbyu para makapagpasalamat kay Coco sa kabutihan nito sa yo?" anang Ogie.
Binanggit din niya ang oras ng pagpo-post ni Rod Jr.—alas-4:20 ng madaling araw—at tinanong kung ito ba’y dahil hindi pa ito natutulog, kagigising pa lamang, o dumaraan sa depresyon.
Ayon kay Ogie, hindi naman personal na kakilala ni Coco si Rod Jr., subalit nang maayos itong lumapit ay binigyan pa rin umano ng pagkakataon. Nakasama pa ito sa serye at nabigyan ng exposure.
Dagdag pa niya, nang mawalan umano ng trabaho si Rod Jr., inalok pa raw ito ni Coco na maging marshal sa taping upang may pagkakaabalahan habang wala pang proyekto.
Hindi lamang umano iyon, ibinunyag ni Ogie na inalok pa raw ni Coco si Rod Jr. ng tulong-pinansyal para makapagsimula ng negosyo. Ayon sa kaniya, handa umanong magbigay si Coco ng ₱100,000 bilang puhunan, basta’t makapaglatag lamang ng maayos na business plan ang pamilya nito upang matiyak na hindi masasayang ang kapital.
Subalit ayon kay Ogie, pitong buwan umanong nakahanda ang pera sa isang staff ngunit hindi ito kinuha ni Rod Jr., kaya’t napagdesisyunan na lamang na isauli ang halaga kay Coco.
"Yung pera, nandun lang sa isang staff, pero pitong buwan nang andun yung pera, hindi mo raw kinukuha. So natural, ibabalik na ito kay Coco. Ano iisipin ni Coco? Di ka interesado sa puhunang ibibigay niya sa yo," anang Ogie.
Binigyang-diin din niya na kahit hindi naman magkamag-anak o malapit na kaibigan, tinulungan pa rin umano ni Coco si Rod Jr., kaya’t umaasa siyang na-appreciate man lamang nito ang mabuting intensyon ng aktor.
Ipinaliwanag din ni Ogie na ang pagkawala ng karakter ni Rod Jr. sa serye ay dulot ng takbo ng istorya, lalo’t namatay ang karakter ng aktres na si Irma Adlawan, na konektado sa kaniyang papel.
Binalikan din ni Ogie ang mensahe umano ni Rod Jr. noong Nobyembre 20, 2024, kung saan inilarawan pa raw nito si Coco bilang “napakabait at napakatiyaga,” at nagpahayag ng kagustuhang magpa-interview upang makapagpasalamat.
"Ikaw ang tinutulungan nung tao kahit di ka kaanu-ano. Sana, na-appreciate mo man lang yung gesture nung tao sa yo."
"Binigyan ka ng exposure at hindi naman basta extra lang. Namatay ang character ni Irma Adlawan, natural, mawawala din ang character mo."
"At eto na nga, sabi mo sa message mo sa akin, napakabait at napakatiyaga sa yo ni Coco nung Nov. 20, 2024 at gusto mong magpainterbyu dahil sabi mo, gusto mong magpasalamat kay Coco."
"So saan galing ang hugot ng galit mo kay Coco ngayong 2026?"
"Paano ka tutulungan ng industriyang ito kung nakakalimutan mong maging grateful?" bahagi pa ng post ni Ogie.
Kalakip naman nito ang ilang screenshots na nagsisilbing "resibo" o ebidensya ng mga naging laman ng pahayag ng showbiz insider sa post.
Habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang opisyal na tugon si Rod kaugnay sa naging pahayag ni Ogie, gayundin si Coco.
Kaugnay na Balita: Anak ni Rod Navarro, Sr. nakatikim ng mura, banta kay Coco Martin?