Muling binuweltahan ni Sen. Rodante Marcoleta si dating Supreme Court (SC) Senior Associate Justice Antonio T. Carpio kaugnay sa usaping “treason” na balak niyang isampa rito dahil sa desisyong isinulat niya tungkol sa teritoryo ng Pilipinas sa kasong Magallona vs. Ermita noong 2011.
Matatandaan kasing sinabi ni Marcoleta sa programa nila sa Net25 noong Biyernes, Pebrero 13, 2026, ang pamimigay diumano ni Carpio ng 242,000 square nautical miles sa teritoryo sa dagat ng Pilipinas at kakasuhan niya ito ng “treason” dahil dito.
“Lumaki nga sa palagay niya ang Exclusive Economic Zone, ipinamigay niya 'yong 242,000 square nautical miles. Territorial sea 'yon, ibig sabihin parte ng ating territory… I charge him treason for this,” diin ni Marcoleta.
Agad namang sagot ni Carpio sa senador, “Every first year law student knows that treason cannot be committed during peacetime. The crime of treason can be committed only if the Philippines is at war. That is clear in Article 114 of our Revised Penal Code.”
Matapos nito, muling naglabas ng pahayag si Marcoleta sa panayam sa kaniya sa Balitanghali ng GMA Integrated News nitong Martes, Pebrero 17, 2026, kung saan kinuwestiyon niya ang lawak ng pang-unawa ni Carpio at dinepensa niyang hindi niya tinutukoy ang depinisyon sa libro ng salitang “treason.”
“Akala ko naman malawak ang kaniyang pang-unawa. Ang sinasabi ko lamang diyan, I’m not referring to the book definition of treason,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “I am referring to the generic sense of the word treason.”
Patutsada pa rin ni Marcoleta, napakalawak daw ng bahagi ng teritoryo ng bansa ang ipinamigay diumano ni Carpio dahil sa kaniyang desisyon.
“Kasi ang sinabi ko diyan, napakalawak na bahagi ng ating teritoryo ang kaniyang ipinamigay sa pamamagitan ng kaniyang maling pagdedesisyon,” ‘ika niya.
Paliwanag ni Marcoleta, aabot daw sa 626,000 square kilometers ang 242,000 square miles na nawala sa bansa at mas malaki raw ito sa 300,000 square kilometers na land area ng Pilipinas.
“Isip-isipin mo… mahigit 242,000 square miles ang nawala sa ating teritoryo at halos kung square kilometer ‘yan, aabot sa halos 626,000, mahigit ha, square kilometers,” aniya.
“Kung ang ating land area is 300,000 square kilometers ay mas malaki itong ibinigay niya kasi ang territorial sea is part of our territory,” paglilinaw niya.
Ani Marcoleta, makikita raw ang basehan ng kaniyang sinasabi sa teritoryo ng bansa sa mga constitution naisulat noong 1935, 1973, at 1978 na kasalukuyan nang umiiral ngayon.
“Tatlong constitution ang nag-define ng ating national territory. Ang article one, nakalagay diyan ang national territory. 1935 constitution, 1973 constitution, at saka ‘yong 1978—itong umiiral na constitution,” anang senador.
“Walang kahit sinong Pilipino ang puwedeng magbago niyan,” pagtatapos niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na tugon, reaksyon, o pahayag si Carpio kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Marcoleta, tinanggap alok ng PH Bar Assoc: ‘Payag naman ako kahit kailan!’
KAUGNAY NA BALITA: Justice vs Senador? Carpio, payag sa hamong debate ni Marcoleta!
Mc Vincent Mirabuna/Balita