February 16, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

'Present sa pa-buffet ng suka!' Darryl Yap, binanatan sina Pokwang, Pinky Amador dahil sa pa-party ni PBBM

'Present sa pa-buffet ng suka!' Darryl Yap, binanatan sina Pokwang, Pinky Amador dahil sa pa-party ni PBBM
Photo courtesy: Darryl Yap, Pinky Amador (FB)/Sparkle GMA Artist Center (FB)/via MB

Pinatutsadahan ng direktor na si Darryl Yap ang Kapuso comedienne na si Pokwang at beteranang kontrabidang si Pinky Amador, matapos daw niyang makita ang mga larawan ng dalawa habang nasa "paparty" ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. kamakailan.

Maaaring ang tinutukoy na party ng direktor ay ang "Evening with the Stars" Malacañang Gala na isinagawa noong Huwebes, Pebrero 12, na dinaluhan ng mga bigating celebrity at personalidad.

Mababasa sa Facebook post ni Yap nitong Linggo, Pebrero 15, "Dati akala ko, malakas na ang loob ko, akala ko makapal ang mukha ko—pero nung nakita ko ang pictures nila Pokwang at Pinky Amador sa paparty ni Bongbong Marcos, Isa pala akong Mahiyain. HAHAHAHAHAHAAHAHAHAHHAHAHA!"

Sa pagpapatuloy, inungkat ng direktor ang naging pagsita noon ni Pokwang sa aktres na si Ella Cruz nang dahil sa naging pahayag nito patungkol sa "history is like chismis," at pagiging tagasuporta ng mga Marcos.

Tsika at Intriga

Alex Castro, flinex 'supportive husbands' ng SexBomb; inurirat reaksiyon kay Alvin Aragon

Kaugnay na Balita: 'Maling-mali!' Pokwang, gustong ibalik sa dagat si 'Aryana'

Kaugnay na Balita: Ella, nasaktan sa komento ni Pokwang laban sa kaniya; naikumpara kay Agot

"yung isa, inalipusta si Ella Cruz dahil sa pagsuporta sa Marcos, yung isa akala mo kung sinong santa sa pag-iinarte at pagsigaw ng Magnanakaw at Human Rights, ayun— present sa pabuffet ng suka," aniya pa.

Sundot pa ng direktor, "Walang masama kung nagbago na ang kanilang paniniwala, or baka wala silang hapunan ng gabing iyon. Ang masama ay yung sakit ng salita, panlilibak at panghuhusga nila sa kapwa nung panahon ng kampanya, hindi na mababawi iyon."

"Kaya, may respeto na ko ulit kay Cherry Pie," aniya pa, na ang tinutukoy ay ang beteranang aktres na si Cherry Pie Picache, na isa ring Kakampink.

Photo courtesy: Screenshot from Darryl Yap/FB

Matatandaang sina Pokwang at Pinky Amador ay parehong Kakampink noong 2022 presidential elections at hayagan ang pagsuporta sa "Leni-Kiko" tandem. 

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo nina Pokwang at Pinky laban sa pasaring sa kanila ni Direk Darryl.