February 16, 2026

Home BALITA National

Palasyo, suportado ang isang 'public consultation' sa tri-sem proposal ng DepEd

Palasyo, suportado ang isang 'public consultation' sa tri-sem proposal ng DepEd
Photo courtesy: RTVM/YT, DepEd Philippines/FB


Naniniwala ang Malacañang na magandang magsagawa muna ng isang malawakang konsultasyon ang Department of Education (DepEd) hinggil sa panukalang reporma sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas.

Kaugnay ito sa proposal ng DepEd na gawing trisemestral ang mga susunod na academic year simula 2026-2027, na layong bumuo ng “improved curriculum implementation,” bawasan ang “workload” ng mga guro, at pahabain ang panahon ng pagkatuto ng mga mag-aaral.

Sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Lunes, Pebrero 16, sinabi ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na ang nasabing konsultasyon ay bubuo ng mahuhusay na programa para sa mga kabataan.

“Mas maganda naman po talaga na pinag-uusapan lahat ito—ng mga stakeholders, ng mga interested parties, lahat po—para po ma-reach ‘yong pinakamagandang programa para sa ating mga kabataan,” saad ni Castro.

Gayumpaman, idiniin ng press officer na nasa ilalim pa lang ng “proposal stage” ang panukala, at nararapat munang aralin ang mga nakapaloob dito bago isagawa ang posibleng implementasyon nito.

“Ito’y proposal pa lamang po at nilalahad nila ang maaaring advantage ng pagkakaroon ng tri[se]mester—na isinusulong ng DepEd,” anang press officer.

“Nandoon pa lang po sa stage ng pagpo-propose. So, mas mainam na mas maagaran pang pag-aaral ang gawin kung dapat itong i-implement,” giit pa niya.

Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, ang proposal na ito ay makatutulong upang mapangalagaan ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

“Itinutulak natin ito upang magkaroon ng mas mahahabang, tuloy-tuloy na panahon ng pagkatuto, mas maayos na pacing ng mga aralin, at mas mababang administrative burden para sa ating mga guro,” ani Angara.

National

'Mayor Magalong, nagsabi mismong may mali sa pagpapatupad ng EJK!'—Palasyo

“Sa ganitong paraan, napapangalagaan natin ang kalidad ng edukasyon,” dagdag pa niya.

Sa naturang trisemester proposal, mahahati ang isang academic year sa tatlong semestre.

Para sa taong-pampaaralan 2026-2027, gaganapin ang unang semestre mula Hunyo 2026 hanggang Setyembre 2026. Kasunod nito ang ikalawang semestre na papatak mula Setyembre 2026 hanggang Disyembre 2026.

Isasagawa naman ang ikatlo at huling semestre ng nasabing academic year mula Enero 2027 hanggang Marso 2027.

Vincent Gutierrez/BALITA