Nagbigay ng reaksyon sa publiko ang Malacañang kaugnay sa pagkakadawit ng International Criminal Court (ICC) sa mga pangalan nina Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go, at iba pa bilang “co-perpetrator” umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
KAUGNAY NA BALITA: Dela Rosa, Go, atbp., co-perpetrators sa war on drugs ni FPRRD—ICC
Ayon sa isinagawang press briefing ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro nitong Lunes, Pebrero 16, sinabi niyang hindi raw nila maaaring pakialaman ang proseso ng ICC dahil hindi pa naman umano pinuno ng bansa noon si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
“Kung ito naman ay na nanggagaling po sa ICC, hindi naman po natin itong maaaring pakialaman,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Dahil ang kasong iyan ay naisampa noon pang 2017 at hindi pa po pangulo si Pangulong Marcos Jr.”
Ani Castro, tila magiging bukas umano sila sakali mang idaan ng ICC sa legal na proseso ng bansa ang pagkakasangkot nina Dela Rosa, Go, at iba pa sa kasong kinakaharap ni FPRRD.
“So kung dadaan sa proseso, ‘yan naman po ang nais ng pamahalaang ito. Ang ginagawa ng pamahalaang ito ay dumadaan lahat sa proseso,” aniya.
Pagpapatuloy ni Castro, nagawa na raw nila noon ang pagdaan sa legal na proseso at pagsunod sa batas ng bansa sa ganitong usapin kagaya ng naging pagtugis kay FPRRD noon.
“Nagawa na po before at ang sinunod ay ang batas na umiiral sa ating bansa at nakipag-coordinate po ang ating pamahalaan sa INTERPOL kaya po naipadala ang dating Pangulong Duterte sa The Hague,” pagtatapos niya.
Matatandaang mariin nang umalma si Go kaugnay rito at sinabi niyang “unfounded,” “one-sided,” at “unfair” ang nasabing alegasyon laban sa kaniya ng ICC.
KAUGNAY NA BALITA: 'One-sided, unfair!' Sen. Go, umalma sa alegasyong 'co-perpetrator' ni FPRRD
Paglilinaw ni Go, wala raw siyang kinalaman o naging awtoridad sa nasabing alegasyon laban sa kaniya.
Ani Go, hindi raw niya hahayaang maabala siya ng umano’y walang basehang alegasyon para gampanan siya ang kaniyang tungkulin bilang Senador sa Pilipinas.
Samantala, habang isinulat ito, wala pa rin namang inilalabas na pahayag, reaksyon, o tugon si Dela Rosa kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: 'Kabalastugang akusasyon!' Jimmy Bondoc, nasaktan sa pagdawit ng ICC kay Sen. Bong Go
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Robin sa pagdawit ng ICC kina Sen. Bato, Go: 'Hindi po ba depressing yun?'
Mc Vincent Mirabuna/Balita