February 16, 2026

Home BALITA Probinsya

Pabuya sa makakapagturo sa suspek na rumatrat sa dating beauty queen, pumalo ng ₱50K

Pabuya sa makakapagturo sa suspek na rumatrat sa dating beauty queen, pumalo ng ₱50K
Photo courtesy: Contributed photo

Naglaan na ng ₱50,000 pabuya ang lokal na pamahalaan ng Isabela para sa makakapagturo sa suspek ng karumal-dumal na pagpatay kay dating Miss Philippines-Earth 2013 runner-up Lulette Jane Ramilo-Dela Cruz.

Sa isang Facebook post ni Isabela Board Member Manuel Faustino “King” Dy, inihayag niya ang kanila raw pakikiramay sa mga naulila ng biktima at saka kinumpirma ang naturang pabuya para sa agarang pagkamit ng hustisya para sa dating beauty queen.

“Taos-puso po kaming nakikiramay sa pamilya ni Lullete Jane “Jing” Ramilo Dela Cruz sa inyong pagdadalamhati. Ang aming mga panalangin at pakikiramay ay kasama ninyo sa napakahirap na panahong ito,” ani Dy.

Dagdag pa niya, “Bilang suporta sa patuloy na imbestigasyon, ang inyong lingkod mula sa Tanggapan ni Board Member King Dy, ay maglalaan ng ₱50,000 na pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyong maaaring magturo sa pagkakaaresto ng mga responsable sa insidente.”

Probinsya

Bangkay ng inabandonang sanggol, nadiskubre ng dalawang asong gala

Matatandaang noong Biyernes, Pebrero 13, nang pagbabarilin ng hindi pa tukoy na gunman si Dela Cruz sa harapan ng kaniyang mga anak. Nagtamo siya ng mga tama ng bala ng baril sa mukha at katawan na agad niyang ikinasawi.

Sa imbestigasyon, nasa loob ng sasakyan ang biktima kasama ang kaniyang mga anak nang bumaba ang kaniyang ama mula sa kanilang Toyota Fortuner upang buksan ang gate ng bahay. 

Bigla umanong dumating ang isang lalaking sakay ng motorsiklo na walang plaka at paulit-ulit siyang pinaputukan.

Hindi nasaktan ang tatlong bata ngunit labis na na-trauma matapos masaksihan ang pamamaril. Mabilis na tumakas ang salarin.

KAUGNAY NA BALITA: Dating Miss Philippines-Earth runner-up 2013, pinagbabaril sa mukha, katawan

Samantala, ipinag-utos na rin ni Philippine National Police (PNP) Chief Melencio Nartatez ang full-scale investigation para sa pagtugis at paglutas ng kaso ni Dela Cruz.