February 16, 2026

Home BALITA National

Ombudsman, extra ingat dahil sa mga kalabang abogadong 'nabibili ng pera'

Ombudsman, extra ingat dahil sa mga kalabang abogadong 'nabibili ng pera'
Photo courtesy: Screenshot from GMA Integrated News (YT)

Tila doble umano ang pag-iingat ng Office of the Ombudsman sa pag-iimbestiga sa mga kasong may kaugnayan sa maanomalyang flood control projects dahil sa magagaling na abogadong nabibili raw ng pera at kumakalaban sa kanila. 

Ayon sa naging pahayag sa isinagawang press conference ni Assistant Ombudsman Mico Clavano nitong Lunes, Pebrero 16, sinabi niyang sinisigurado raw nilang “air tight” o mahigpit ang mga kasong hawak na ng tanggapan nila. 

“You really have to make sure that the cases are air tight,” pagsisimula niya. 

Ani Clavano, palagi raw sinasabi sa kanila ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na kalaban nila sa mga nasabing kaso ang magagaling na abogadong kaya raw bilhin ng salapi. 

National

4Ps beneficiaries na kumukunsumo ng 50kWh, may pa 100% discount sa Meralco—PBBM

“The Ombudsman always mention na we’re up against the best lawyers—the best lawyers that money can buy,” aniya. 

Pera aniya ang labanan sa pagsusulong ng mga kasong kaugnay sa flood control projects kaya hindi umano puwede ang magbasta-basta lang at maghain nang maghain lang ng mga reklamong hindi sigurado sa ebidensya. 

“Pera po ang kalaban namin dito kaya [kapag] pa-petiks-petiks lang tayo—file lang tayo nang file na hindi naman tayo sigurado sa ebidensya, talagang matatalo tayo,” diin niya. 

Dahil dito, nagtatrabaho raw sila nang doble sa oras at nag-iingat na huwag ilabas ang mga impormasyong baka magamit umano laban sa kanila sa hinaharap. 

“Kaya ang ginagawa namin, we are working double time, we’re not revealing as much because we know it can be used against us in the future, lalo na kung i-telegraph po natin ‘yong next steps namin,” saad niya. 

Dagdag pa niya, “Kaya hindi muna kami magsasabi kung ano talaga ang hawak na nating ebidensya. Magiging challenge ‘yan sa amin in the future.” 

Pagpapatuloy ni Clavano, tiyak raw na magsasampa sila ng mga kaso at ang publiko ang unang makakaalam nito. 

“So, we will file the cases when they are ready and the public will be the first to know as soon as cases are filed,” pagtatapos pa niya. 

Mc Vincent Mirabuna/Balita