February 16, 2026

Home BALITA National

'Mayor Magalong, nagsabi mismong may mali sa pagpapatupad ng EJK!'—Palasyo

'Mayor Magalong, nagsabi mismong may mali sa pagpapatupad ng EJK!'—Palasyo
Photo courtesy: PCO (FB), MB FILE PHOTO

Ibinahagi sa publiko ng Malacañang na sinabi mismo umano ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na may mali sa “execution” o pagpapatupad ng Extrajudicial Killing (EJK) noon. 

Ayon sa isinagawang press briefing ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro nitong Lunes, Pebrero 16, 2026, sinabi niyang hindi naman daw kailangang magkagulo ng publiko kung masisilbihan man ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) sina Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go, at iba pa. 

“Kinakailangan po bang magkagulo kung sisilbihan po nito ay ang hustisya?” pagsisimula niya.  

Aniya, “Ang pagsisilbi ng hustisya ay hindi naman po dapat na maging daan upang kampihan ang iilan o kakampihan ang ilang mga nasasangkot sa nasabing criminal complaint.” 

National

Ombudsman, extra ingat dahil sa mga kalabang abogadong 'nabibili ng pera'

Pagpapatuloy ni Castro, sinabi na rin daw noon mismo ng kaalyado ng mga Duterte na si Magalong na may mali sa pagpapatupad ng EJK noon at malinaw raw na maling mali ang naging patayan noon. 

“Even before, ang kanila mismong kaalyado, walang iba kundi si Mayor Magalong ang nagsabi mismo na mayroong mali sa execution sa EJK,” diin niya. 

Dagdag pa niya, “Si Mayor Magalong na nagsilbing Oversight Committee Head ang umamin na maraming naging patayan na hindi nararapat at ang ibang nasa listahan ay political rivalry diumano—at ito ay maling mali.” 

Tindig pa ni Castro, dapat daw na maimbestigahan pa ang mga dapat managot sa nangyaring patayan noon dahil mismong kaalyado na nila, na si Magalong, ang nagsabing may mali umano rito. 

“So, kung mismong isang Duterte supporter ang nagsasabing mali ang nagawang EJK, hindi po ba dapat na lamang na maimbestigahan po talaga kung sino ang dapat managot,” pagtatapos niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang nilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon si Magalong at iba pang nabanggit kaugnay rito. 

KAUGNAY NA BALITA: Dela Rosa, Go, atbp., co-perpetrators sa war on drugs ni FPRRD—ICC

KAUGNAY NA BALITA: Palasyo, 'di raw maaaring makialam sa proseso ng ICC, pagdawit kina Bato at Go

Mc Vincent Mirabuna/Balita