Kabilang pa sa mga patuloy na pinaghahanap ang kapitan ng lumubog na MV Trisha Kerstin 3, ayon sa latest update ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Lunes, Pebrero 16.
Ipinaliwanag ni PCG Spokesperson Noemie Cayabyab, sa kaniyang panayam sa media, na ang mga talang inilalabas nila ay base sa datos ng Philippine National Police-Scene of the Crime Operatives (PNP-SOCO), at pamilya ng mga nawawala pang pasahero at crew.
Aniya pa, posible pang magbago ang mga talang kasalukuyang hawak ng mga awtoridad habang nagpapatuloy ang “search and rescue” operations
Bukod pa rito, binabanggit din ng PCG na kasama sa consolidated data nila ay ang mga tala ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), at Coast Guard District Southwestern Mindanao (CGDSWM).
Hinggil naman sa nagpapatuloy na “search and rescue,” kinokonsidera din ng PCG na posibleng napadpad pa ang ilang bangkay at posibleng survivors sa karatig-coastal areas ng Baluk-Baluk Island, Basilan.
“We’re still hoping na makakakita pa rin tayo ng buhay. And we’re still hoping, na napapadpad lang sila sa isolated shorelines and that it took them some time to communicate with the authorities,” ani Cayabyab.
Sa kasalukuyan, umakyat na sa 58 ang bilang ng mga nasawi mula sa trahedyang paglubog ng MV Trisha Kerstin 3, matapos muling makapagrekober ng isang bangkay ang PCG rito nitong Pebrero 16.
Tinatayang 21 pa ang mga nawawala at patuloy na hinahanap habang 293 ang naitalang survivors mula sa trahedya.
Ang gumugulong na “search and rescue” ay parte ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na “full-blown investigation” upang malaman ang pangyayari sa likod ng paglubog na kumitil sa buhay ng maraming pasahero at crew, na unang naiulat noon pang Enero 26.
MAKI-BALITA: PBBM, nag-utos ng ‘full-blown investigation’ sa M/V Trisha Kerstin 3
Bilang pagpapanagot, inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) ang nakatakdang pagkaso sa Aleson Shipping Lines, Inc. dahil sa kanilang umano’y kapabayaan at mga pagkukulang sa operasyon.
Kabilang din dito ang pagsibak sa anim na PCG personnel at walong MARINA personnel dahil sa “neglect of duty.”
MAKI-BALITA: Operator ng MV Trisha Kerstin 3, sasampahan ng mga kasong administratibo; 14 personnel, sinibak!
Sean Antonio/BALITA