Naglabas ng hinanakit ang aktor na si Rod Navarro, Jr. sa aniya’y maling trato umano sa kaniya ni Kapamilya Primetime King Coco Martin at ng iba pang tao sa production nito.
Anak si Rod ng namayapang aktor na si Rod Navarro, Sr. na napabilang sa mga pelikulang “Sergeant .45,” “Dahil sa Isang Bulaklak,” at “John & Marsha '86: TNT sa Amerika.”
Sa isang Facebook post ni Rod nitong Lunes, Pebrero 16, ibinahagi niya ang isang video clip mula sa podcast na “Paano Ba ‘To?” ni Kapamilya host Bianca Gonzalez kung saan guest si Coco.
Inilahad dito ng Kapamilya Primetime King ang tungkol sa isang taong lumapit umano sa kaniya para humingi ng tulong.
Ngunit sa kabila ng oportunidad na ibinigay umano niya sa lalaki, hindi raw nito nagawang tulungan ang sarili.
“Hindi ka totoo maling-mali kwento mo. Di maganda pananalita mo kaya di ako tumanggap ng tulong mula sayo dahil ang sabi mo isang pagkakamali ko lang eh tanggal ako at kapag di ko napalago eh wag na tayo mag uusap may mura pa na kasama ang banta,” lahad ni Rod sa caption ng post.
Dagdag pa niya, [A]lam mo at ni Ma'am Eila ang sitwasyon ko na nagdurugo ang bituka ko at malala ang sakit ko that time. Meron akong mga medical records na sinend sa inyo. Nakakaiyak ka sa gigil, tao ka…
Lahat ng pagpapasalamat ginawa ko sayo kahit mali ang naging trato mo at ng ibang tao sa production mo.”
Matatandaang umentra si Rod bilang “Dindo” sa “FPJ’s Batang Quiapo” noon pang Oktubre 2024 kasabay ni John Medina.
Samantala, wala pang reaksiyon o pahayag na inilalabas si Coco para itanggi o kumpirmahin ang nasabing isyu.