February 16, 2026

Home BALITA National

4Ps beneficiaries na kumukunsumo ng 50kWh, may pa 100% discount sa Meralco—PBBM

4Ps beneficiaries na kumukunsumo ng 50kWh, may pa 100% discount sa Meralco—PBBM
Photo courtesy: MANILA BULLETIN

Mas makakamenos pa raw ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps), alinsunod sa naging anunsyo ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., sa paniningil sa kanila sa kuryente.

Sa pagdalo ni PBBM sa isang event ng electric company na Meralco noong Pebrero 14, 2026, pinuna niya ang mailap umanong electric subsidy para sa mga miyembro ng 4Ps.

"Mahirap ka na nga, kailangan mo pang patunayan na mahirap ka," ani PBBM.

Bunsod nito, ipinag-utos niyang dapat maging awtomatiko na raw na makakauha ng 100% na discount ang 4Ps beneficiaries na pawang mga kokonsumo lamang ng 50 kilowatt-hour (kWh) pababa kada buwan.

National

Ombudsman, extra ingat dahil sa mga kalabang abogadong 'nabibili ng pera'

"Ito ang uri ng pamahalaang ating itinataguyod. Hindi dapat ang Pilipino ang naghahabol sa tulong. Ang tulong ang dapat ang lumalapit sa mga Pilipino," anang Pangulo.

Ayon pa kay PBBM, noong Nobyembre 2025, umabot lamang daw sa 334,400 o tinatayang 11% ng tatlong milyong miyembro ng 4Ps ang nakarehistro sa electricity subsidy dahil sa mas mahirap na requirements.

Paglilinaw pa ng Pangulo, ang mga Pilipinong pasok sa poverty line ng Philippine Statistics Authority (PSA) ngunit hindi miyembro ng 4Ps ay maaari ring magparehistro sa naturang subsidiya.

Samantala, umani naman ng samu't saring mga reaksiyon mula sa netizens ang nasabing programa para sa mga 4Ps.

"For once, baka gusto n'yo man lang sila magtrabaho at hindi maging tamad!"

"Mas swerte mga mahihirap kaysa sa middle class, lahat na sa kanila!"

"Lahat na pumabor sa 4Ps."

"Kailan kaya makakatamasa ng ayuda ang middle class?"

"Ang hirap talagang maging patas sa Pinas!"

"Spoiled kayo sa gobyerno kasi sa inyo lang din sila nakakapag-vote buying."

"Nagpapalaki talaga kayo ng mga tamad."