Na-reveal na rin ang tunay na "kuwento" sa likod ng pinag-usapang photos nina Kapamilya star Maris Racal at Cup of Joe vocalist Gian Bernardino, na inakala ng mga netizen na nagpapahiwatig sa "new couple."
Ibinida ni Maris ang mga larawan nila ni Gian nitong Huwebes, Pebrero 12, kung saan makikitang magkatabi silang dalawa habang may hawak na flowers ang aktres.
Bahagyang natatakpan ang mukha ni Maris pero bakas naman ang kilig sa kaniya, habang si Gian naman, medyo nakahilig sa bandang kanang balikat niya.
"Plot twist," mababasang caption ng post, na may emoji na white heart. Naka-tag ang post niya sa Instagram post ni Gian.
Napakomento naman dito ang aktor na si Albie Casiño, na nakasama ni Maris sa teleseryeng "Can't Buy Me Love" na pinagbidahan naman nina Donny Pangilinan at Belle Mariano.
"Stan ako ng cup of Joe dude," aniya.
Maging si AdProm (Advertising and Promotions) Head for Publicity and Press Release (PR) for Dreamscape Entertainment ng ABS-CBN na si Eric John Salut, napakomento rin dito.
"Love is in the air!" aniya.
Siyempre naman, nagulantang ang mga netizen at napatanong kung ano ba ang real score sa pagitan nilang dalawa.
Noong 2025, nag-open up si Gian na isa siyang pansexual; meaning, attracted siya sa sinumang tao kaht ano pa ang kanilang gender identity.
Pero later on, nabunyag din na "for clout" lang ito para sa lalabas na bagong awitin ni Maris, na "Sino ang Tanga," tampok si Gian.
"Pov ginawa kang pang clout ng mars mo this valentines,” anang Gian. “Hirap itago… ng nail art.”
Ibinahagi naman ni Maris ang "behind at before the scene" ng kanilang larawan, kung saan, pinag-iisipan nila ni Gian ang gagawing "prank."
Biro pa nga nila, kung hindi raw nag-click at tatlong likes lang ang post, aalisin agad nila ito.
Ni-reveal din ni Maris na siya raw ang bumili ng bulaklak para sa sarili niya at hindi si Gian.
Panghuli, pinag-isipan nila ang caption na puwedeng ilagay kung sakali raw na nag-hard launch sila, at ang naisip nga nila ay plot twist.