February 15, 2026

Home BALITA National

Sen. Robin sa pagdawit ng ICC kina Sen. Bato, Go: 'Hindi po ba depressing yun?'

Sen. Robin sa pagdawit ng ICC kina Sen. Bato, Go: 'Hindi po ba depressing yun?'
Photo courtesy: via MB

Nagbigay ng reaksiyon si Sen. Robin Padilla sa pagkakadawit ng mga kasamahang senador at kaalyadong sina Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa at Sen. Bong Go bilang umano'y indirect co-perpetrators sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na naging dahilan kung bakit siya kasalukuyang nakakulong sa detention facility ng International Criminal Court (ICC) sa kasong crimes against humanity.

Sa panayam sa programang "Usapang Senado" ng DWIZ noong Sabado, Pebrero 14, ibinahagi ni Padilla ang maikling pag-uusap nila ni Go hinggil sa isyu.

Ayon kay Padilla, agad niyang tinawagan ang kapwa mambabatas upang alamin ang reaksyon nito. Agad daw nakuwestyon ni Go kung bakit siya nadamay sa nabanggit na kaso, kabilang pa ang iba pang mga indibidwal (bukod kay Sen. Bato), gaya na lamang ng dating mga hepe ng Philippine National Police (PNP) na Rsina Vicente Danao, ang yumaong Camilo Cascolan, at Oscar Albayalde; dating pinuno ng National Bureau of Investigation (NBI) na si Dante Gierran; dating hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na si Isidro Lapeña; at dating kalihim ng Department of Justice (DOJ) na si Vitaliano Aguirre II.

Kaugnay na Balita: Dela Rosa, Go, atbp., co-perpetrators sa war on drugs ni FPRRD—ICC

National

Human rights group, ipinanawagan agarang pag-isyu ng arrest warrant vs Dela Rosa, Go, atbp.

Ayon kay Padilla, labis siyang naapektuhan sa naturang balita. Inamin niyang naiyak siya nang marinig ang posibilidad na maharap sa warrant of arrest ang dalawa niyang kasamahan sa Senado, at kaalyado sa PDP Laban.

"Naiyak po talaga ako, kasi papaano na ito, sino pang kasama ko sa Senado kapag itong dalawang to nabigyan pa ng warrant of arrest eh 'di ako na lang mag-isa. Hindi po ba depressing yun?" aniya.

Ibinunyag din ng senador na nakipag-ugnayan na siya kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano upang talakayin ang sitwasyon. Ayon kay Padilla, magsasagawa umano ng pagpupulong ang kanilang grupo upang pag-usapan ang mga susunod na hakbang kaugnay ng isyu.

Samantala, naglabas naman ng opisyal na pahayag si Sen. Go matapos lumabas ang pangalan niya sa listahan.

“I dispute these allegations which are entirely unfounded, one-sided, unfair and bear no relation to the reality of my roles and responsibilities during my service as Special Assistant to the President from June 2016 to October 2018 as well as Executive Assistant to the Mayor of Davao City from 1998 to 2016,” saad niya, na mababasa sa kaniyang Facebook post noong Sabado, Pebrero 14.

“Let me be clear, at no time did I have any involvement in, knowledge of, or authority over these allegations. It is also inaccurate to claim that I was Chief of the Presidential Management Staff then since at no point in time did that responsibility fall under mine,” dagdag pa niya.

Kaugnay na Balita: 'One-sided, unfair!' Sen. Go, umalma sa alegasyong 'co-perpetrator' ni FPRRD

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ni Dela Rosa hinggil sa isyu, na hindi pa pumapasok sa Senado simula pa noong Nobyembre 2025, matapos lumabas ang isyung may warrant of arrest na laban sa kaniya.

Kaugnay na Balita: Sen. Bato, 'di pa rin nagparamdam sa Senado—SP Sotto