Ipinagmalaki ng Leon Gallery na nabenta ang unang edisyon ng nobelang "El Filibusterismo" ni Dr. Jose Rizal sa halagang ₱21 milyon, batay sa isinagawang auction para dito, noong Sabado, Pebrero 14.
Tinawag itong "new world record" dahil maituturing na raw itong pinakamahal na aklat na naipagbenta at binili sa Pilipinas, matapos ang isinagawang Asian Cultural Council Auction 2026.
Mababasa sa kanilang post, "NEW WORLD RECORD: A first edition El Filibusterismo has just achieved the title of being the most expensive book sold in the country!"
"The piece is signed and dedicated 'A mi querido amigo el doctor T. H. Pardo de Tavera, Jose Rizal, Gante, 16/ IX 1891” (To my dear friend, the doctor T. H. Pardo de Tavera, Jose Rizal, Ghent, 16 September 1891), and was sold at the Asian Cultural Council Auction 2026.'"
"Stay tuned for more updates!" dagdag pa.
Ang nabanggit na aklat ay unang nalimbag sa Ghent, Belgium noon pang Setyembre 16, 1891 batay na rin sa nakasulat na dedikasyon dito ni Rizal.
Ang El Filibusterismo ay karugtong na nobela ng Noli Me Tangere, na sinasabing inalay ng dakilang bayani sa tatlong paring martir na GomBurZa (Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora).
Sila ay binitay sa pamamagitan ng garote noong 1872 dahil sa maling paratang na pag-aaklas, at ang kanilang pagkamartir ay nagsilbing inspirasyon sa adhikain ni Rizal para sa kalayaan ng Pilipinas, matapos niyang personal na masilayan ito, kasama ang kuyang si Paciano Rizal.