Nasabat ng Bureau of Customs–Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang tinatayang mahigit ₱55 milyong halaga ng hinihinalang shabu mula sa isang German national sa Arrival Area ng NAIA Terminal 3 noong Biyernes, Pebrero 14.
Sa inilabas na ulat ng ahensiya, dumating ang suspek sakay ng connecting flight mula Addis Ababa, Ethiopia.
Naging kahina-hinala umano ang kaniyang bagahe matapos makitaan ng hindi pangkaraniwang imahe sa X-ray scanner habang sumasailalim sa regular na inspeksyon.
Dahil dito, isinailalim sa masusing pagsusuri ang kaniyang mga gamit. Sa pagbusisi ng mga examiner, natuklasan ang mga puting kristalinong sangkap na nakatago sa isang lihim na compartment sa lining ng maleta.
Bukod pa rito, nakitaan din ng nakasilid na kahalintulad na substance sa loob ng dalawang Bibliya na ginawang hungkag at binalutan pa ng plastik at duct tape upang hindi agad mahalata.
Ayon sa BOC-NAIA, ang kabuuang timbang ng nasabat na kontrabando ay humigit-kumulang 8.145 kilo, na may tinatayang street value na ₱55.386 milyon.
Nagpositibo ang mga ito sa methamphetamine hydrochloride o mas kilala bilang “shabu” matapos isailalim sa K9 sweep at paunang field testing.
Kaagad inaresto ang dayuhan at isinuko sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga nakumpiskang ebidensiya para sa karagdagang imbestigasyon at inquest proceedings.
“We are tightening our controls through technology, intelligence, and inter-agency coordination. Our message is clear—attempts to bring illegal drugs into the country will be detected, intercepted, and prosecuted," pahayag ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno.
Binigyang-diin ni NAIA District Collector Atty. Yasmin Obillos-Mapa ang mahalagang papel ng teknolohiya sa pagpapatupad ng batas sa frontline, at iginiit na ang matagumpay na pagkakasabat ay patunay ng pagiging epektibo ng XIP at ng layered examination process ng Bureau sa pagtukoy ng mga nakatagong kontrabando at sa agarang pagsasagawa ng kaukulang aksyon.
Maaaring maharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, gayundin sa Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.