Natagpuan na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang apat na mangingisda na ilang araw nawala sa katubigan ng Occidental Mindoro.
Ayon sa pahayag ng PCG noong Sabado, Pebrero 14, tatlo sa mga mangingisda ang natagpuan nilang buhay habang ang isa sa kanila ay nasawi.
Gayunpaman, isa naman sa nasabing survivors ang naiulat na may mahinang pangangatawan at kinakailangan ng agarang atensyong medikal.
Base pa sa pahayag ng PCG, bandang 12:10 ng tanghali, nang matanggap nila ang radio communication mula sa FBCA Carmen 4, hinggil sa distressed fishing vessel na FB MJ 2, bandang 102 nautical miles ng Cabra Island, Lubang, Occidental Mindoro.
Sa ulat naman ng Coast Guard District Southern Tagalog (CGDSTL), Lunes, Pebrero 9, nang unang maiulat na nawawala ang apat na mangingisda, na kinilalang sina Rolando Ularte, 62-anyos; Rodolfo Ularte, 59-anyos; Geoffrey Buenaventura, 30-anyos; at Mark Julian Dones, 30-anyos, na mga residente ng Brgy. Luyahan, Lian, Batangas.
Saad rito, ang grupong ito ng mga mangingisda, lulan ng kanilang motorbanca, MJ2, umalis sila mula sa Lian, Batangas, noong Linggo, Pebrero 8, bandang 4:00 ng hapon, at nakatakdang bumalik ng 7:00 ng umaga, ng Pebrero 9.
Naideklarang nawawala ang mga ito noon ding Pebrero 9, matapos hindi masunod ang oras ng kanilang pagbabalik sa Lian, Batangas.
Sean Antonio/BALITA