February 14, 2026

Home BALITA National

‘Wellness leave,’ handog ng DepEd sa lahat ng guro at kawani

‘Wellness leave,’ handog ng DepEd sa lahat ng guro at kawani
Photo courtesy: DepEd via MB

Ipinagkaloob ng Department of Education (DepEd) ang taunang limang araw na “Wellness Leave” bilang pagsuporta sa mental health ng kanilang teaching at non-teaching personnel sa kasagsagan ng tumataas na pangangailangan sa sektor ng edukasyon. 

“Ito ay handog natin sa bawat kawani ng DepEd—mula sa central office hanggang sa mga rehiyon, division offices, paaralan, at community learning centers, at anuman ang kanilang employment status. Kinikilala natin na ang kanilang kalusugan, lalo na ang mental health, ay mahalaga sa patuloy nilang paglilingkod sa ating mga mag-aaral,” saad ni DepEd Sec. Sonny Angara sa pahayag ng ahensya noong Biyernes, Pebrero 13. 

Aniya pa, ang polisiyang ito ay pagsasakatuparan ng inisyatiba ng DepEd na pangalagaan ang kapakanan ng kanilang mga kawani sa lahat ng antas. 

Alinsunod din ito sa direktiba ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palakasin ang kapakanan ng mga empleyado sa pamamagitan ng pagsulong ng mental health sa buong pampublikong sektor. 

National

FPRRD, 'criminally responsible' sa 78 biktima ng war on drugs mula 2013-2018!—ICC

Base sa guidelines ng Civil Service Commission (CSC) Memorandum Circular No. 01, s. 2026, ang wellness leave ay sumasaklaw sa lahat ng kwalipikadong opisyal at empleyado ng DepEd, kabilang ang mga nasa permanent, temporary, casual, contractual, coterminous, substitute, at provisional positions, gayundin ang mga personnel na nasa Contract of Service at Job Order, na direktang kinontrata ng ahensya. 

Ang wellness leave ay maaaring gamitin para sa mental health care, physical wellness activities, o simpleng pahinga para makabawi ng lakas mula sa trabaho. 

Hiwalay pa ito sa kasalukuyan nang umiiral na vacation at sick leave benefits, at maaaring gamitin ng personnel nang tuloy-tuloy hanggang tatlong araw o hiwa-hiwalay sa loob ng taon, depende sa pangangailangan at alinsunod sa approval procedures. 

Ang aplikasyon para sa wellness leave ay inaabisong isumite nang hindi bababa sa limang araw bago gamitin, maliban sa emergency situations. 

Hindi rin ito maaaring maipon o ma-convert sa cash kung hindi magagamit sa buong taon. 

Tinitiyak din ng DepEd na confidential ang anumang mental health-related information na ilalahad ng mga empleyado sa kanilang application process, alinsunod sa Data Privacy Act of 2012. 

Matatandaang unang inaprubahan ng Civil Service Commission (CSC) ang wellness leave noong Disyembre 9 alinsunod sa Republic Act (RA)  No. 11036 o Mental Health Act para sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan. 

MAKI-BALITA: Wellness Leave, inaprubahan ng CSC para sa mga empleyado at kawani ng pamahalaan

Sean Antonio/BALITA