Sumuko na sa pulisya ang suspek sa pagpatay sa isang 19-anyos na estudyante ng Nueva Vizcaya State University kaugnay ng natagpuang sunog na bangkay sa bayan ng Quezon, Nueva Vizcaya.
Natuklasan ang bangkay ng biktima sa Madiangat, Quezon, kinabukasan ng umaga, na agad ikinasa ng mga awtoridad ang malawakang imbestigasyon.
KAUGNAY NA BALITA: Sunog na bangkay, natagpuan ng mga alagang asong ipinapasyal lang ng kanilang amo
Pinangunahan ni Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) Provincial Director PCOL Paul T. Bometivo ang isang case conference kung saan sinuri ang mga CCTV recording, isinagawa ang masusing follow-up investigation, at inihanda ang pagbuo ng kaso sa tulong ng pinagsanib na puwersa ng Quezon Police Station at Provincial Intelligence Unit.
Una umanong itinuring na person of interest ang suspek na kinilalang si alyas “Ernie,” 33-anyos, binata, tricycle driver, at residente ng Barangay Maddiangat, Quezon.
Noong Pebrero 13, dahil sa mga ebidensyang nakalap laban sa kaniya, kusang-loob na sumuko ang suspek sa mga awtoridad at inamin ang krimen.
Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng Quezon Police Station para sa dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon.
Kasabay nito, ipinatupad ng pulisya ang Search Warrant No. 010-2026 sa isang itim na sasakyan na pinaniniwalaang ginamit sa krimen na matatagpuan sa tirahan ng suspek.
Narekober ang ilang mahahalagang ebidensya na sasailalim sa forensic examination upang makatulong sa paglilinaw ng kaso.