Napilitang humingi ng paumanhin ang isang radio station sa United Kingdom matapos nilang aksidenteng maibalita ang pagpanaw umano ni King Charles III.
Ayon sa station manager ng nasabing radio station, computer error ang sanhi ng kanilang pagkakamali. Anila, lahat umano ng estasyon ng radyo ay may nakahanda ng anunsyo o report sa pagpanaw ng kanilang Hari o Reyna kung sakaling magkaroon ng biglaang senaryo.
"Due to a computer error at our main studio, the Death of a Monarch procedure, which all UK stations hold in readiness while hoping not to require, was accidentally activated on Tuesday afternoon May 19, mistakenly announcing that HM the King had passed away," anang radio station.
Noong Martes, Mayo 19 nang bumulaga sa UK ang nasabing balita ng estasyon matapos huminto ang naka-ere nilang kanta at nagbigay-daan sa anunsyo ng pagpanaw umano ni King Charles III.
Si King Charles ay kasalukuyang nasa North Ireland nang nangyari ang insidente. Kasama niya si Queen Camilla sa naturang lugar para sa isang royal visit.
Samantala, hindi naman tukoy kung gaano katagal umere maling anunsyo ng nasabing radio station.
"We apologize to HM the king and to our listeners for any distress caused," saad ng radio station.
Sa kabila nito, hindi pa nagkokomento ang Buckingham Palace hinggil sa nasabing insidente. Wala ring napaulat mula sa local media outlets sa United Kingdom kung nagsampa ng reklamo ang British Royal Family laban sa nasabing estasyon ng radyo.