Tila hindi na masikmura pa ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang mga nangyayaring kaguluhan sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Sa panayam ng “Storycon” nitong Biyernes, Mayo 22, inamin ni Lacson na sumasagi raw sa isip niya minsan na magbitiw na bilang senador.
“Dati, kami ‘yong big brother, e. Kami ‘yong check and balance. Kami ‘yong taga-check sa House. Pero ngayon ang sitwasyon ay naiba. Mas mataas ‘yong…pagtingin ng tao sa House of Representatives kaysa sa Senado. Nakakalungkot ito,” saad ni Lacson.
Dagdag pa niya, “Minsan nag-iisip akong mag-resign, e. Naipahayag ko na rin 'to kay Tito Sen na parang plano ko na mag-resign na lang as senator dahil sa nangyayari. Sabi niya sa akin, ‘Huwag naman.’”
Ngunit sa kabila nito, nakakakita pa rin naman daw ng pag-asa silang mga nasa Senate minority bloc kapag pinag-uusapan nila na ibangon muli ang Senado mula sa pagkakalugmok nito.
Ani Lacson, “Isa na lang ‘yong direction namin. Pagbutihin namin ‘yong ginagawa namin para sa ikabubuti na lamang ng ating mga kababayan.”
Matatandaang nag-ugat ang gulo sa Senado nang sumulpot si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa session hall nito matapos lumiban nang kalahating taon dahil sa warrant of arrest laban sa kaniya mula sa International Criminal Court (ICC).
Maki-Balita: Dela Rosa, hindi tanga para magpahuli sa ICC