May 22, 2026

Home BALITA Probinsya

'Personal na tulong ko ito!' Rep. Leviste, mamamahagi ng 1M sako ng bigas sa Batangas

'Personal na tulong ko ito!' Rep. Leviste, mamamahagi ng 1M sako ng bigas sa Batangas
Photo courtesy: MB FILE PHOTO

Inanunsyo sa publiko ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na mamimigay raw siya ng isang milyong sako ng bigas para sa mga pamilyang hindi pa naaambunan ng ayudang bigas ng gobyerno sa kanilang probinsya. 

Ayon sa naging caption ni Leviste sa kaniyang Facebook live nitong Biyernes, Mayo 22, 2026, sinabi niyang ikinalulungkot daw kasi niya ang pagpili umano ng gobyerno sa pamamahagi ng ayuda. 

Ani Leviste, personal na tulong daw ang naturang aksyon niyang ito at wala raw manggagaling na gastos mula sa gobyerno. 

“Personal na tulong ko ito. Walang gastos sa gobyerno, walang hintayan sa photo-op, at walang pipiliin,” aniya. 

Saad pa ni Leviste, inanunsyo raw kasi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., noong Abril 24, 2026, sa Batangas na mabibigyan ng bigas ang bawat mga barangay. 

Probinsya

‘Gender reveal yarn?’ Muslim wedding, binulaga ng bride na nagpanggap na babae!

Diin ni Leviste, bigla raw kasing kinansela ang nakatakda sanang pamamahagi ng bigas sa distrito na kaniyang nasasakupan at kabilang na rin ang mga barangay na hindi rin daw nakatanggap noon ng ₱200,000 dahil sa pagtatampo o tinawag niyang “tampururot.” 

“Pero sa aking distrito, kahit may iskedyul na para mabigyan ang ibang barangays kahapon, biglang nakansel ang delivery ng bigas,” ‘ika niya. 

Dagdag pa ng mambabatas, “Kabilang ang barangays na ito sa 84 barangays na hindi nabigyan ng ipinangakong ₱200K noong Abril 24, at ang testimonya ng barangay captains ay sinabihan sila na hindi sila isasama ng Kapitolyo dahil sa umano’y ‘tampururot’.” 

Pagpapatuloy ni Leviste, baka raw hindi alam ng Pangulo ang ginagawa umano ng mga inatasan nito sa pamamahagi ng bigas sa Batangas. 

“Siguro hindi alam ni Pangulong Marcos ang ginagawa ng mga taong inatasan sa pamamahagi ng ayuda sa Batangas, at sana maayos ito ngayon,” patutsada niya. 

Hiling niya, makaramdam daw sana ng konsensya ang mga “politikong” namimili ng mga makakatanggap ng ayuda sa Batangas at makipagtulungan sa kaniya ang mga lokal na opisyal sa kanilang distrito. 

“Sana [makonsensya] rin ang mga kapwa kong politiko na huwag piliin ang nakakatanggap ng ayuda ayon sa pulitika,” buwelta niya. 

“Hinihikayat ko ang mga lokal na opisyal na makipagtulungan para tiyaking makarating ang ayuda sa lahat ng pamilya,” pagtatapos pa ni Leviste. 

KAUGNAY NA BALITA: Gov. Vilma Santos nagtampo, ‘di binigyan ng ₱200K ilang barangay sa Batangas—Rep. Leviste

KAUGNAY NA BALITA: 'Nothing to worry!' Gov. Vilma Santos, nagsalita na