Nasa 72 taong gulang na lang ang karaniwang life expectancy ng mga Pilipino, ayon kay Commission on Population and Development (CPD) Executive Director Usec. Lisa Grace Bersales.
Sa panayam ng isang programa kay Bersales nitong Sabado, Pebrero 14, 2026, iginiit niyang malaking salik ang pagtaas ng life expectancy sa patuloy na paglaki ng populasyon ng bansa. Mas mahaba ang inaasahang haba ng buhay ng kababaihan na umaabot sa 78 taong gulang, kumpara sa kalalakihan na may average na 71 taon gulang.
Ayon kay Bersales, nakatulong ang pag-unlad ng teknolohiya, lalo na sa larangan ng medisina, sa mas maagang pagsusuri ng sakit, mas maayos na gamutan, at mas malawak na akses sa serbisyong pangkalusugan. Dagdag pa niya, nakatutulong din ang preventive health practices tulad ng taunang check-up at mas maayos na lifestyle sa pagpapahaba ng buhay.
Ipinaliwanag din niya na mas mababa ang life expectancy ng kalalakihan dahil sa mas mataas na risk behaviors, kabilang ang mas malaking posibilidad na masangkot sa mga fatal accident, lalo na ang road accidents sa kabataan.
“Better health systems, improved treatments, and more Filipinos seeking medical attention earlier have all contributed to this increase,” ani Bersales.
Dagdag pa niya, “While the average life expectancy was about 60 years in the 1960s, it has now risen to 72 years, which reflects the progress in healthcare and awareness.”
Samantala, inaasahang aabot sa 124 milyon ang populasyon ng Pilipinas pagsapit ng 2035 batay sa Philippine Statistics Authority (PSA). Ayon sa CPD, ang mas mahabang buhay ng mga mamamayan at patuloy na fertility ng kababaihan ang ilan sa pangunahing dahilan ng paglaki ng populasyon.